Matandang Tinali (74)
IBINABA ng driver ng van ang mga dalang gamit ni Dong at makaraan ay umalis na rin makaraang bayaran ni Dong. Umabot sa P5,000 ang binayaran niya sa driver dahil malayo rin ang Nagcarlan.
Hindi muna hinakot ni Dong ang mga gamit patungo sa kubo. Nagmasid-masid muna siya sa paligid. Napansin niya na malinis ang kabuuan ng farm. Bagong tabas ang mga damo. Ang paligid ng gate ay napakalinis!
Iisa ang ibig sabihin, narito pa si Manong Naldo. Mali ang iniisip niyang umalis na ito dahil hindi na siya dumadalaw. Narito pa siya at patuloy na nililinis ang farm. Nakahinga siya nang maluwag.
Sinimulan niyang hakutin ang mga gamit. Inuna niya ang bigas at mga delata. Mabigat din ang kalahating sakong bigas. Tantiya niya, mga isang buwan niyang kakainin iyon. Kaunti lang siyang kumain ng kanin. Mas gusto pa nga niyang kainin ang saging at kamote. Balak niyang magtanim ng kamote at saging para mayroon siyang pamalit sa kanin.
Isinunod niyang buhatin ay ang mga unan at kutson. Okey na sa kanyang sa sahig ng kubo maglatag ng kumot sa pagtulog pero baka magkasakit siya dahil pumapasok ang lamig sa butas ng sahig.
Nang iisa na lang ang bubuhatin niya patungo sa kubo ay nagulat siya nang biglang dumating si Manong Naldo. May dala itong mga isda na nakalagay sa isang nilalang kawayan. Bagong huli!
“Dong, sabi ko na nga ba’t ikaw! Kailan ka dumating?’’
“Ngayon lang po, Manong Naldo. Ito nga at kahahakot ko lang ng mga gamit ko.’’
“Sayang at hindi kita natulungan. Galing kasi ako sa sapa at nanghuli ng dalag at hito. Marami nang nahuhuli sa sapa.’’
“Masarap pong gataan ‘yan ano?’’
“Oo. Gagataan natin.’’
“Tena po sa bahay. Marami akong dalang bigas, Manong.’’
“Bakit marami kang bigas?”
“Magtatagal ako rito Manong.’’
“Talaga? E di mabuti.’’
“Marami kasing nangyaring hindi maganda sa Maynila kaya gusto kong mag-stay muna rito.’’
(Itutuloy)
- Latest