Incoming PNP chief Albayalde, ginigiba pa!

UMANI ng pogi points si President Duterte sa pag-appoint niya kay NCRPO chief Dir. Oscar Albayalde bilang bagong hepe ng Philippine National Police kapalit ni PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa subalit may ilan pang hindi nakakatulog at pilit na ginigiba ang ating bida. Maging si Opposition Sen. Leila de Lima, na nakakulong sa Camp Crame, ay pinuri ang pagpili ni Digong kay Albayalde. History itong ginawa ni De Lima mga kosa dahil mula nang maupo sa trono si Digong ay kontra siya sa lahat ng bagay subalit sa isyu ni Albayalde, aba nabago ang ihip ng hangin at kumampi siya. Kaya puwede nating palakpakan sa aspetong ito si De Lima, di ba mga kosa? Ang malungkot lang, kahit naanunsiyo na ni Digong nang ilang beses na si Albayalde nga ang papalit kay Bato, aba hindi tumitigil ang ilang nilalang na gibain siya para magbakasakali na masingitan nila ang huli sa pagka-PNP chief. Hindi sila sport no, mga kosa? Maari kong sabihin na medyo bastos ang bibig ni Digong subalit lalaki itong kausap at keber kung ano ang sasabihin ng detractors niya. Hak hak hak! Sobrang inggit ang namamayani sa katawan ng mga opisyales ng PNP na naapakan ni Albayalde, lalo na ang mga padrino nila.

Matapos kasing ianunsiyo ni Digong na si Albayalde ang papalit kay Bato, aba nagluta-ngan ang mga lumang isyu laban sa kanya nitong nagdaang mga araw. Sa totoo lang mga kosa, nasagot na ni Bato at Albayalde ang mga isyu na binabato laban sa huli. Subalit dahil nag-hire ng PR firm ang mga kalaban ni Albayalde, hindi nalalayo na maraming isyu pang kakalkalin para ipahiya ang incoming PNP chief at kumbinsihin si Digong na iurong ang pag-appoint sa kanya. Hak hak hak! Parang sine lang na “Mission Impossible” ang ginagawa ng mga gustong makasingit kay Albayalde na police official, di ba mga kosa?

Sa totoo lang, hindi lang isang beses na inanunsyo ni Digong na si Albayalde ang napipisil niya bilang PNP chief istrikto ito at mahirap lapitan. Maging noong sa press conference niya sa Davao bago tumulak papuntang China, dinipensahan ni Digong ang pagpili niya kay Alba-yalde. Nilinaw naman ni Digong na walang “palakasan” sa kanya pagdating sa pagpili ng PNP chief dahil ang ginawa niyang basehan ay ang sipag at kalidad ng trabaho. Subalit parang hindi pa sapat ang tinuran ni Digong at may police official na puro gibaan ang sistema para masungkit nga ang pinakamataas na puwesto ng PNP. Hak hak hak! Lumang sistema na ‘yan Sir! Di na angkop sa ngayong panahon ng hi-tech gadgets.

Alam naman ng kampo ni Albayalde kung sino ang Herodes kaya lang cool lang siya dahil karapatan niya ito sa ilalim ng ating demokrasya. Mabuti na lang at biglang inanunsiyo ni Digong ang choice niya kay Albayalde dahil kung medyo na-late pa baka nabigyan ng panahon ang police official na gibain ng todo ang bagong PNP chief. Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan! Gusto n’yo ba ng clue kung sino itong police official na gumigiba kay Albayalde mga kosa? Bueno tinatawag siya ng kampo ni incoming PNP chief na alyas Mr. Phoenix at hindi lang minsan itong nakita na nasa likod ni Digong kapag may press conference, di ba Pres. Assistant Bong Go Sir? Tumpak! Hak hak hak! Nagsasayang lang ng effort at pitsa itong si Mr. Phoenix, di ba mga kosa?

At dahil nga sa pagpili ni Digong kay Albayalde, ginanahan ang mga ranking police officials na magtrabaho para magpasiklab at baka mapansin din sila ng una, di ba Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar Sir! Malakas ang ugong kasi noon nang maupo si Bato na itong mga police officials lang na naka-assign sa Davao ang makakuha ng juicy positions sa PNP at ang mga namugad sa Luzon ay pangumpleto na lang sila. Lalo na nang ma-extend ang termino ni Bato, aba lupaypay ang mga balikat ng mga PNP opisyal na naka-assign lang sa Luzon. Subalit sa pagpili kay Albayalde at ang pagsisigaw ni Digong na walang padrino system sa kanya, aba nanumbalik ang sigla ng mga ranking police official dahil alam nila kapag nagtrabaho sila may premyong nag-aantay sa kanila. Isa ring hamon kay Albayalde ang mapag-unite ang hanay ng PNP at isantabi na ang sinasabing Davao at Luzon connection para diretso ang takbo ng trabaho ng PNP vs droga at kriminalidad. Abangan!

Show comments