Bulaklak ng puso
Mutya sapul ng isilang ka’t masilayan
nagbago ang daigdig kong dati rati’y walang muwang
ang langit kong nooy laging may lambong ng kadiliman
nagliliwanag at wari bang ang langit ko ay nabuksan;
kapag ikaw ay naglaho sa puso ko’t gunamgunam
ang buhay ko sa daigdig wala na ring kabuluhan!
Mabango kang rosas na umusbong sa ubod ng puso
na biglang nagpabilis ng daloy ng aking dugo,
dahil sa’yo nagkabuhay ang damdaming dati’y bigo
at natutong mangundiman sa daidig ng parnaso
dahil sa’yo nagkapakpak sa pitak ng iyong puso!
Eden ka ng aking buhay na ang tanging minimithi
sa biyaya ng hardin mo ako sana’y makilimpi’t
makaniig ko ang buwan na pisngi mong tanging-tangi;
gigisingin kita mutya sa lambing ng mga hikbi
upang kahit papaano’y marinig mo ang pighati
at pangakong sa puso ko’y mamahalin kita lagi!
- Latest