Train station, itinayo sa Russia para sa nag-iisang mag-aaral

ISANG pangunahing linya ng tren sa Russia ang nag­dagdag ng bagong istasyon para lamang pagsilbihan ang isang estudyante at ang kanyang lola na naghahatid sa kanya.

Regular na hinihintuan na tuloy ngayon ng tren na nagseserbisyo sa rutang St. Petersburg-Murmansk ang bayan ng Poyakonda kahit pa napakaliblib ng nasabing lugar.

Dati kasi ay tumitigil lamang ang tren para sa mga empleyadong nagtatrabaho sa riles kaya kinakailangang gumising nang maaga ang 14-anyos na si  Karina Kozlova at ng kanyang lola upang makasabay sila sa biyahe.

Alas nuwebe na rin ng gabi sila nakakarating ng bahay dahil nakaayon sa oras ng uwian ng mga empleyado ang kaisa-isang biyahe ng pabalik na treng hihinto sa kanilang lugar.

Sa pagbubukas ng isang opisyal na istasyon ay hindi na kailangang gumising ng sobrang aga ni Kozlova at ng kanyang lola para makasabay lang sila sa biyahe ng tren ng mga papasok na empleyado. Hindi na rin nila kailangan pang maghintay ng hanggang gabi para lang makauwi.

Si Kozlova na lang ang kaisa-isang paslit sa Poyakonda na binubo lamang ng 50 residente kaya kinailangan talaga ng tren na gawan siya ng sarili niyang istasyon dahil siya na lang kaisa-isang mag-aaral sa lugar.

 

Show comments