HINDI lamang ang mga kilalang bayani ng bansa na sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo at marami pang iba ang maaaring maging bayani ng bansa.
Hindi mo kinakailangan ng monumento para kilalanin kang bayani ng bansa at tangkilikin ng karamihan.
Ginunita natin kahapon ang Araw ng mga Bayani at lahat ng kanilang mga sakripisyo at pagtitiis para mapalaya tayong mga Pilipino at ang ating bansa sa mga mananakop.
Kapag nagbigay ng karangalan at kontribusyon para sa bayan ay inililibing sila sa Libingan ng mga Bayani ngunit hindi lamang ang mga nakalibing doon ang dapat kilalanin. Marami diyang buhay pa pero gumagawa na ng kabayanihan.
Una na dito ang ating mga sundalo na inuuna ang tawag ng tungkulin kaysa sa kanilang pamilya. Bawat alis nila at sabak sa giyera hindi nila nasisiguro kung babalik pa ba silang buhay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Pinoprotektahan nila ang ating bansa at ang mga mamamayan nito laban sa mga masasamang loob na balak manakit.
Ang mga pulis na rumoronda araw, gabi pati sa oras ng sakuna at kalamidad dahil ito ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Ang mga kababayan nating doktor na nagdurugtong ng buhay ng mga may sakit o naaksidente.
Bayani ring maituturing ang mga kababayan nating OFW. Iniiwan nila ang pamilya nila dito para maglingkod sa ibang bansa. Inaalagaan nila ang anak ng iba habang ang kanilang mga anak ay iba ang umaasikaso.
May pagkakataon pang hindi na sila nakikilala ng kanilang mga anak pag-uwi ng bansa.
Maski ang mga ina ay bayani rin ng kanilang mga tahanan. Magkasakit man sila kapakanan pa rin ng kanilang pamilya ang inuuna. Inaalagaan, inaasikaso at ibinibigay nila ang panga-ngailangan ng mga ito kahit pa ang ilan sa kanila ay naisasakripisyo na ang pansariling pangarap.
Hindi natin dapat kalimutan o balewalain lamang ang mga bayani ng ating bansa. Lagi din nating isapuso at isaisip ang mga pinagdaanan at sakripisyo ng ating mga bayani para mamuhay tayo hanggang ngayon ng malaya.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.