MARAMI ang tumutok kung ano ang mga makukuhang ebidensya sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Kian Lloyd Delos Santos.
Pati mga kilos ngayon ng kapulisan ay inaabangan ng mga tao lalo na kung tungkol ito sa operasyon laban sa iligal na droga.
Marami ang humihingi ng hustisya sa pagkamatay ng binatilyo. Ang mga pulis namang sangkot sa insidente ay tinanggal na sa posisyon.
Ang mismong nakahuli at nakapatay kay Kian na sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz ay isinailalim sa restrictive custody ng mga pulis.
Magmula nang mangyari kay Kian ang pagkakapatay sa kanya at ang paglutang ng ilang mga ebidensya kasama ang CCTV na makikitang hindi nanlaban ang binatilyo ay natigil ang operasyon laban sa iligal na droga.
May kanya-kanyang bersiyon sa kwentong ito kaya ngayon hinihimay na mabuti ang bawat ebidensya para maresolba at malaman kung sino nga ba ang nagkakamali.
Nasibak din sa pwesto ang Precinct Commander na si Chief Inspector Amor Cerillo. Ganun din si Caloocan City Police Chief Sr/Supt. Chito Bersaluna.
Natanggal din sa posisyon si Northern Police District (NPD) Chief Supt. Roberto Fajardo. Giit niya ang pagpapalaki ng isyu sa pagkamatay ni Kian ang dahilan kung bakit siya natanggal sa pwesto.
Kung titingnan mong maigi talagang mapapalaki ang isyung ito dahil menor de edad ang napatay at may ilang ebidensya ang lumutang pati testigo na taliwas sa sinabi ng mga pulis.
Nag-iisip naman ngayon ang mga local government ng ilang paraan para mabawasan ang pagiging madugo ng kampanya laban sa iligal na droga.
Sa Quezon City ay may mga pulis na umiikot para hilingin na umihi sa isang plastic na baso ang nakalagay sa watch list nila para malaman kung sila ba ay gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
Hangga’t hindi nareresolba o hindi lumilipas ang isyu ng pagkamatay ni Kian malamang ay wala pang madadagdag sa listahan ng mga napatay.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.