Pagpapalawig sa martial law, limitahan
Maaring kinakailangan pang palawigin ang umiiral na martial law sa Mindanao subalit mas makakabuting ito ay limitahan na lang sa isa o dalawang lalawigan.
Magtatapos na sa Hulyo 22, 2017 ang 60 araw na umiiral na martial law sa buong Mindanao na idineklara ni President Duterte matapos na lusubin ng teroristang Maute ang Marawi City.
Ilang mambabatas na rin ang nagsabing pabor na palawigin ang martial law pero makabubuting ilang probinsiya na lang at ito ay ang buong Lanao del Sur, Maguindanao at Sulu.
Mahalaga ang martial law na pairalin sa Lanao na sakop ang Marawi City na naging sentro ng paglusob ng teroristang Maute.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang bakbakan ng militar at Maute sa Marawi bagamat inaasahang malapit nang matapos ang nasabing krisis na umaabot na sa 475 katao ang napatay.
Sakaling matapos ang bakbakan sa Marawi ay agad na sisimulan ang rehabilitasyon upang agad na manumbalik sa normal ang pamumuhay sa nasabing siyudad.
Mas makakabuting umiiral ang batas militar lalo na sa Lanao del Sur upang makapagbigay ng maayos na seguridad sa pagpapatupad ng rehabilitasyon.
Kung buong Mindanao kasi ang pag-iral ng martial law ay negatibo ang persepsiyon dito ng mga negosyante lalo na ang mga dayuhang turista na nais magbakasyon sa ilang lugar sa Mindanao.
Gayunman, nasa desisyon pa rin ng Presidente kung nais nyang manatili ang martial law sa buong Mindanao na kailangang aprubahan ng Kongreso.
- Latest