Digong, pasado sa unang taon
EKSAKTONG isang taon kahapon ang panunungkulan ni Pres. Rodrigo Duterte.
Kaya naman iba’t ibang sektor ang nagbibigay ng grado at lumilitaw na pasado naman ang performance ni Digong.
Sa kampanya sa illegal drugs at kasama rito ang kriminalidad ay masasabing malaki ang tagumpay sa usapin ng epekto nito.
Maraming lugar na dati ay pinamumugaran ng mga drug addict at gumagawa ng iba’t ibang krimen pero dahil sa takot sa mga pulis ay malinis na ngayon.
Masasabing ligtas maglalakad ngayon ang sinuman sa mga alanganing oras dahil nagsisipagtago ang mga kriminal lalo na ang mga sangkot sa iligal na droga.
Isa ito sa mga nagugustuhan nang marami patungkol sa peace and order.
Pero ang pagkukulang lang dito ay ang mas mahigpit na pagbabantay sa pag-abuso ng ilang pulis na basta pumapatay na lang ng mga drug suspect kahit hindi lumalaban.
Pero ang masasabing bagsak ang grado ng Presidente sa kanyang performance ay ang kabiguan na malutas ang problema sa trapiko sa Metro Manila at ang kapalpakan ng MRT 3 na halos araw araw ay madalas tumirik at sobrang parusa na sa publiko.
Sa pagpasok ng ikalawang taon ng panunungkulan ng Presidente ay dapat matutukan ang problema sa trapiko at MRT 3. Isa ito sa kanyang pangako noon na lulutasin daw sa lalong madaling panahon pero wala namang maramdaman ang publiko rito.
Sana, bigyan ng ultimatum ng Presidente ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) dahil ito ang may saklaw sa MRT 3 at LRT gayundin ang trapiko dahil maaaring kumilos dito ang LTO at LTFRB katuwang ang MMDA.
- Latest