E-mail address
TAON 2003, nag-aplay sa isang malaking kompanya sa Makati si Boyong bilang messenger. High school lang kasi ang natapos niya. Pagkatapos maipasa ang IQ test ay ininterbyu siya. “Ano ang e-mail address mo at doon na lang kita kokontakin.”
Napakamot sa ulo si Boyong. Ipinagtapat niyang wala siyang e-mail address dahil hindi siya marunong gumamit ng computer. Napailing ang interviewer. “Paano ka namin makokontak? Importante pa naman sa aplikante ang may e-mail address at marunong mag-computer.”
Sa mga salitang binitiwan ng interviewer, para na rin siyang sinabihan na hindi siya qualified na messenger. Habang malungkot na naglalakad pauwi sa kanilang bahay ay napadaan siya sa palengke. Napatitig siya sa mga nakadispley na tocino, longganiza, tapa at iba pang processed meat. Naisip niyang magtinda na lang ng ganoong pagkain. May P1000 pa siyang naipon mula sa pagpipiyon noong nakaraang buwan. Pinuhunan niya ang P1000. Namili siya ng processed meat at ibinenta niya sa mga kapitbahay. Nadoble ang kanyang puhunan. Nang magsawa na ang mga kapitbahay sa processed meat ay daing at tinapa naman ang kanyang ibinenta. Nang lumago ang kanyang puhunan ay namili siya ng fish ball sa mismong pabrika at ibinenta niya sa fishball vendors na may kariton.
Taong 2008 ay may 20 cart ng fish ball na si Boyong at kumukuha na lang siya ng mga vendors na magmamaneho ng mga cart. Nagtayo siya ng sariling pagawaan ng fish ball na nang magtagal ay gumawa na rin ng shrimp balls, squid balls, kikiam at processed fish and meat. Minsan ay nagpatawag siya ng insurance broker upang kumuha ng protection plan. Pagkatapos mag-usap ay itinanong ng broker kung ano ang e-mail address ni Boyong. “Wala akong e-mail address dahil hindi ako marunong gumamit ng computer.” ang simpleng sagot ni Boyong.
Nagulat siyempre ang broker. “Naging successful businessman ka ng walang e-mail address, ano pa kaya ang narating mo sa buhay kung marunong kang mag-computer?”
“Siguro natanggap akong messenger at hanggang ngayon ay messenger pa rin sa kompanyang iyon”.
“Success is not final, failure is not fatal: it is the courage to continue that counts.”
Winston Churchill
- Latest