Kadamay, kada may hinaing, may aanihin

MALAKING dagok sa mga mahihirap na nagbabayad ng buwis, ngunit walang mauwiang sariling tahanan ang tumambad nang umamin si Kadamay National Chairman Gloria Arellano na may anak siyang nagtatrabaho sa Canada bilang financial analyst at may dalawa pa na parehong engineer.

Maituturing na pambabastos  sa tunay na kapuspalad ang ginagawa ng tulad ni Arellano, gayung may mga anak na kaya siyang tulungang magkaroon ng sariling bahay.

Ganito rin ang mga puna nang marami sa pamunuan ng makakaliwang grupo na nagpipilit na ilarawan ang kanilang mga pagkatao bilang kapuspalad, gayung mga propesyonal at mayayaman naman ang iba sa kanila. Ayaw ko sanang maniwala sa mga kritiko, na ang wala naman talaga silang mithiin na makamit ang kapayapaan sa bansa, bagkus ay mapanatili ang kada may hinaing, may aanihin.

Ilan kaya sa mga miyembro ng Kadamay ang tulad ni Arellano ang nagpapanggap na mahirap para magkabahay nang libre, na ipapapasan ang gastos sa balikat ng mas mahirap pa sa kanila, kasama pa ang tubig at kuryente.

Magaling sa propaganda ang grupong makakaliwa, kaya naman walang epekto sa mamamayan kung mabisto man na nangingikil sila ng revolutionary taxes sa malalaking kompanya. Galit sa ganyan si President Digong kaya malamang na walang patutunguhan ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at CPP-NDF kapag hindi sila tumigil sa kabalbalan.

Ang mga tunay na mga kapuspalad ay walang matulugan at walang kakayahan para magbisyo, o dili kaya naman ay makabili pa ng magastos na cell phone, at hindi rin malayo na may nakakahalong sumisinghot pa ng shabu ang ilan sa kanila.

Mas kahanga-hanga ang mga mahihirap na nakikipagtulungan sa gobyerno sa pagbabayad ng buwis at ang iba ay nangingibang bansa pa upang maitaguyod ang kanilang mga pamilya. Sila ang tunay na mga bayani at hindi ang mga impostor na nangungulimbat din sa bayan tulad ng mga magnanakaw na pulitiko.

BAKAS sa Radyo La Verdad 1350 AM band Sabado 5:00-7:00 p.m.

Show comments