Sakripisyo

ISANG television network sa Atlanta Georgia ang bumuo ng “uplift someone” campaign para sa Boys and Girls Club ng Metro Atlanta. Ang miyembro ng club ay mga batang nasa edad 6 hanggang 11 taon. Ang layunin ng project “uplift someone” ay magturo sa mga bata na magsakripisyo para sa kapakanan ng ibang tao. O, sa simpleng salita, turuan silang maging mapagbigay sa kapwa.

Ang 83 percent ng mga batang kasali sa Boys and Girls club ay mula sa mahihirap na pamilya. Noong gawin ang project “uplift someone” itinaon ng television network sa panahon ng Kapaskuhan. Isa-isang tinanong ang mga bata kung anong regalo ang pinapangarap nilang matanggap. Karamihan sa mga sagot ay electronic gadgets, laruan, Xbox 360, Barbie house.

Ang pangalawang katanungan ay kung bibigyan sila ng pera, anong regalo ang bibilhin nila para sa kanilang magulang. Ang kadalasang sagot ay television set, or wrist watch. Hindi nila makalimutan ang isinagot ng isang batang lalaki — singsing daw ang nais niyang ibigay sa kanyang ina dahil kahit kailan ay hindi niya ito nakikitang nagsusuot ng singsing kagaya ng mga ina ng kanyang mga kalaro.

Pagkaraan ng ilang araw ay pinabalik nila ang mga bata para ibigay ang mga request nilang regalo para sa sarili at para sa kanilang magulang. Nang nasa harapan na ng mga bata ang dalawang regalo, biglang ini-announce na isa lang ang regalo ang mapapasakamay nila. Pipili sila kung ang kukunin nila ay regalo para sa sarili nila o regalo para sa kanilang magulang.

May mangilan-ngilang bata na pinili ang regalo para sa kanilang sarili. Pero karamihan ay pinili ang regalo na ibibigay nila sa kanilang magulang. Hindi makapaniwala ang organizers ng project. Ang mga magulang na naroon at nagmamasid sa mga kaganapan ay napaluha dahil hindi nila akalaing sa kabila ng kasabikan na magkaroon ng mamahaling laruan o gamit ang kanilang mga anak, nakaya nilang isakripisyo ang kanilang kaligayahan para lang sa minamahal na ama o ina.

Pero hinuhuli lang pala ng mga project organizers ang attitude ng mga bata. Sa bandang huli, lahat ay happy dahil ang dalawang regalo —para sa sarili at para sa magulang — ay pareho nilang naiuwi.

Show comments