^

Punto Mo

‘Mga hinaing mula sa ibayong dagat…’

BITAG - Ben Tulfo - Pang-masa

NAKAKAALARMA ang mga reklamong natatanggap ng aking tanggapan na mula pa sa ibayong dagat.

Mga sumbong at hinaing ng mga Overseas Filipinos (OFs) hinggil sa pang-aabuso, pananakit, pangmo-molestiya at di-makataong pagtrato ng kanilang mga employer.

Ang kanilang reklamo’y naipararating sa pamamagitan ng aming facebook account, e-mail, website at maging sa aming hotline.

Kung hindi man, ang kanila mismong mga kamag-anak sa malalayong probinsiya na lumuluwas pa ng Quezon City, maiparating lang sa amin ang paghihirap ng kanilang mga kaanak sa abroad.

Madalas sa mga sumbong na ito, mga household workers (HHWs) ang biktima. At halos lahat sila, nagtatrabaho sa gitnang silangan.

Nakakadurog ng puso kapag narinig mo ang kanilang hinaing. Maliban sa sobrang oras ng trabaho at hindi tamang pagkain, nandiyan ang pambubugbog, pagmumura, di pagpapasahod at ang pinakamasaklap ay sexual harassment.

Sa imbestigasyon ng BITAG, karamihan sa kanila, hindi dumaan sa tamang proseso ng recruitment o pag-alis sa bansa. Mismong sa bibig ng mga biktima, iba’t ibang indibidwal lamang ang nagpasok sa kanila ng trabaho.

Dati na naming babala ito at maging ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), tanging sa lehitimong recruitment agency na accredited ng POEA lamang makipagtransaksiyon.

Huwag na huwag maniniwala sa boladas na direct hiring lalo na ng kung sinomang poncio pilato na indibidwal na kumakausap sa inyo. Kahit na inindorso pa ‘yan ng inyong kamag-anak, kaibigan at kakilala.

Dahil kapag umalis kayo ng bansa na undocumented o hindi dumaan sa tanggapan ng POEA, mahihirapan ang gobyernong tulungan kayo sa panahon ng kagipitan.

Pagkakataon din ito sa mga dorobong nanloko sa inyo na makapambiktima pang muli dahil hindi mahanap ang kanilang pagkakakilanlan.

Dalawang taon na ang nakakaraan, naghigpit ang Pilipinas sa pagpapadala ng mga HHWs sa gitnang silangan dahil sa taas ng statistika ng mga distressed OFWs sa mga bansa sa Middle East.

Subalit ang mga walang kaluluwang recruiter kuno, ginamit ang ideyang cross boarder kung saan paaalising turista ang mga pobreng aplikante papunta sa Thailand, Hongkong at Singapore at doon tatawid papuntang Middle East countries.

Sa mga hindi nakakaalam, paglabag ito sa batas ng human trafficking! Babalang muli ng BITAG, huwag na huwag na huwag kumagat sa patibong na ito upang hindi mapabilang sa libong statistika ng mga naging biktima.

Sa BITAG, anumang oras, handa kaming sumaklolo katulong ang tamang otoridad at mga sangay ng ating gobyerno.

DAGAT

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with