Adriana
SA edad na 80 ay nakabingwit pa rin si Lelong Inso ng isang belyas na nagtatrabaho sa Blue Heaven Cabaret. Taon 1967 noon at ang tanging libangan ng mga biyudong kagaya ni Lelong Inso ay magpunta sa Blue Heaven, ang tsipipay na night club sa probinsiya.
Adriana ang pangalan ng belyas. Trenta anyos na ito. Maitim, singkit, medyo punggukin, maliliit ang bias pero may kurba ang katawan at laging naka-lipstick na pulang-pula. Sa ilang gabing pabalik-balik ni Lelong sa cabaret, kasama na ang pagpapasikat na marami siyang pera, nakumbinsi niya si Adriana na sumama na lang sa kanya at magsama bilang mag-asawa.
Para malibang, ipinagpatayo ni Lelong ng sari-sari store sa tapat ng kanilang bahay ang bagong asawa. Siyempre, tutol ang mga anak ni Lelong sa ginawang pakikisama kay Adriana.
“Naku Tatay, uubusin lang ng babaeng ‘yan ang kabuhayan mo! Kung bakit kasi ang tanda-tanda na, nag-asawa pa!”
“Oy, ako nga’y huwag n’yong pagsalitaan nang ganyan. Baka hindi ako makatantiya… ay masampal kita d’yan. Ubusin ko man ang pera ko, wala kayong pakialam. Kapag ako ay maysakit, wala kayong pakialam sa akin. Pero ngayong nag-asawa ako, bigla ka- yong nakialam…pero hindi sa aking kapakanan kundi sa pera ko.”
Simula noon ay wala nang anak na naglakas loob na pagsalitaan ang kanilang ama. Nagpatuloy sa buhay ang mag-asawang Inso at Adriana. Isang taon nang nagsasama ang dalawa nang ma-stroke si Lelong Inso. Ang inaasahan ng mga anak ay lalayasan ni Adriana ang kanilang ama ngunit nagkamali sila. Buong pagmamahal na inalagaan nito ang matandang asawa. Pagkaraan ng tatlong taong paghihirap sa sakit, si Lelong ay binawian ng buhay. Maraming kapitbahay ang makakapagpatunay na mas naghirap si Adriana sa pag-aalaga sa matanda kaysa mga anak nito.
Maayos na ang buhay ng tatlong anak ni Lelong Inso kaya nagpasya ang mga ito na ipamana kay Adriana ang bahay ng kanilang pamilya bilang kabayaran sa kabutihan nito sa kanilang ama. Hindi na kailanman nag-asawa si Adriana. Totoong minahal nito si Lelong Inso.
- Latest