MARAMING dayuhan na nangangarap manirahan sa mga bansang kanilang napupusuan. Gusto nilang sa bansang iyon i-enjoy ang kanilang nalalabing buhay sa mundo. Gusto nilang lasapin ang sarap ng buhay sa bansang inaakala nilang masusulit ang kanilang pinaghirapang salapi.
Isa ang Pilipinas sa 25 bansa na pinagpipilian ng mga dayuhan na tirahan o gawing retirement haven. Nasa pang-19 ang Pilipinas base sa 2017 Global Retirement Index na inihanda ng publikasyong International Living. Ang Mexico, Panama at Ecuador ang nangunguna sa listahan ng mga bansang gustong tirahan ng mga magreretirong dayuhan.
Nanguna ang tatlong bansa sapagkat masyado silang maluwag sa mga retirees. Madaling makakuha ng residency visa at may discounts sa lahat ng items at pati ang airfare at accommodations. Masyadong pag-aasikaso ang pinadadama ng tatlong bansa sa mga nagnanais manirahan sa kanila.
Dito sa Asia, ang tanging kalaban ng Pilipinas ay ang Malaysia at ang Thailand. Ang Malaysia umano ay gustung-gusto ng mga dayuhang retirees sapagkat maayos ang kanilang serbisyong medical doon. Marami rin ang nagkakagusto sa Thailand sapagkat maluwag sa mga retirees at walang kuskos-balungos sa pag-aasikaso ng mga papeles para sa paninirahan doon. Hindi nila pinahihirapan ang mga nais mamuhay nang palagian sa kanilang bansa.
Hindi na masama na pang-19 ang Pilipinas sa mga nais puntahan ng mga dayuhang retirees pero mas hamak namang maganda sa iba pang Asyanong bansa. Marami pang kulang para mahikayat ang mga dayuhan. Magandang tumira rito kung isasaayos ang mga serbisyo para sa mga retirees gaya ng sa medical, mabilis na pagproseso ng kanilang papeles at iba pang pangangailangan. Kung maipapatupad ang mga ito, kayang-kaya ng bansa na makipagtagisan sa ibang bansa sa paghikayat ng mga dayuhang retirees.