SARI-SARING haka-haka at imahinasyon ang namumuo sa isipan ng mga malisyosong kritiko sa maaring kasadlakan ng bayan sakali’t magtagumpay ang hangarin ng mga ambisyosong pulitiko sa bansa.
Malinaw sa batas na kung sakali’t ang President ay mawala sa anumang dahilan, ang Vice President ang hahalili. Kung ang Vice President ang mapatalsik o ma-impeach, ang Senate President ang hahalili. Kung pareho silang mawawala sa puwesto, ang Senate President at ang Speaker of the House ang hahalili bilang President at Vice President.
Hindi tuloy maiaalis na mag-isip ang mamamayan na maaring ito ang dahilan kaya payag din si Speaker Pantaleon Alvarez na may magsulong ng impeachment complaint laban kay VP Leni Robredo ay dahil magiging paborable ito sa kanila ni Senate President Koko Pimentel kapag nagkataon. Iba ang nagtanim at iba ang kumain ganun nga kaya?
Hindi madali ang proseso ng electoral protest na inilatag ng kampo ni Bongbong Marcos para bilanging muli ang boto nila ni VP Robredo, dahil maaring kumain ito ng mahabang panahon para ito ay legal na maresolbahan katulad ng nangyari kina Loren Legarda at Noli de Castro, kaya hindi pa rin nakasisiguro ang supporters ni Bongbong na makakaupo nang ganoon kadali ang kanilang manok sakaling mapatalsik si VP Robredo.
Malalagay lamang sa kritikal na sitwasyon ang bansa dahil sa magkakaroon ng constitutional crisis ito at malamang na lalo pang magkagulo at maghirap ang mga Pilipino.
Naging maganda ang ihip ng hangin ng mga nakaraang araw nang sabihin ni Pres. Duterte na maghinay-hinay sa pagsusulong ng impeachment complaint laban kay VP Robredo dahil halal din ito ng bayan at maari nga’ng wala itong kinalaman sa impeachment complaint laban sa kanya kasunod ay ang imbitasyon sa pamilya nito sa isang pagsasalu-salo sa isang hapunan. Tayo ang panalo kung magkakasundo na ang Ama at Ina ng Bansa!
BAKAS ni KOKOY sa RADYO LA VERDAD 1350KHz AM Band Sabado 5:00-7:00 p.m.