Dahil sa hindi masolus-solusyunang problema sa trapik partikular sa mga lansangan sa Metro Manila lalu na nga sa kahabaan ng EDSA, iba’t ibang paraan na ang naiisip ng MMDA.
Sa kanilang pinakahuling plano, binabalak nilang ipatupad ang ‘congestion pricing o traffic congestion fee’ sa EDSA, para mabawasan ang sasakyang dumadaan dito.
Ang ganitong sistema ay matagumpay umano sa bansang Singapore .
Ayon pa nga sa MMDA nakahanda rin ang Singapore na umayuda sa Pinas sakaling ipatupad ang ganitong sistema.
Gayunman, hindi pa man eh mukhang ‘binabara’ na ang ‘road pricing scheme’ na ito at agad na umani na ito ng sangkaterbang batikos.
Ilang motorista ang nagsabing sobra-sobra na umano ang kanilang magiging gastusin at panibagong pasan na naman ito sa kanila. Mukhang doble –doble na ang tax na ipinapataw ng gobyerno sa publiko.
May nagsabing hindi rin katanggap-tanggap ang sistemang ito na naging matagumpay sa Singapore dahil ang huli ay may maayos ng transport system kumpara sa Pinas.
Sa Singapore umano ineengganyo ng gobyerno dito ang publiko na gumamit na lamang ng mass transport at iwasan ang pribadong sasakyan para lumuwag ang mga lansangan na katanggap-tanggap naman dahil nga maayos ang kanilang mga transportasyon lalu na ang mass transport.
Kung maayos nga lang ang mass transport sa bansa, aba’y pihadong bawas na bawas ang mga pribadong sasakyan sa lansangan.
Mas makabubuting masusi munang pag-aralan ang sistemang ito, kung aangkop sa ating bansa.
Hindi naman kasi ang pwede sa iba, eh pwede rin sa atin!