WALA pang isang taon sa puwesto si Pres. Rodrigo Duterte ay agad nang nakatikim ng impeachment complaint.
Kahapon ay inihain na ni Magdalo Representative Gary Alejano ang impeachment complaint Laban sa Presidente.
Ilan sa mga nilalaman ng reklamo ay ang umano pagpatay sa mga drug offenders sa kampanya sa illegal drugs, kabilang din ang umano’y tagong yaman at posibleng maisama pa ang pag-amin nito na kanyang pinayagan ang pagdaong ng barko ng China sa Benham Rise na pag-aari ng Pilipinas.
Agad namang minaliit ito ng Malacanang at ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hinihinalang bahagi ang impeachment sa destabilisasyon laban sa administrasyon.
At tulad ng inaasahan ay agad ding nagsalita agad ang lider ng Mababang Kapulungan na si House Speaker Pantaleon Alvarez na nagsabing malabong makalusot ang impeachment complaint dahil wala itong matibay na basehan o ebidensiya.
Pero alam naman ng lahat na numbers game ang impeachment sa Kongreso na kahit pa may matibay na ebidensiya ay balewala ito.
Maituturing na political decision ang paghatol sa impeachment kaya malabong makalusot kung matibay ang suporta ng Presidente sa mayoryang kongresista.
Sa ngayon ay popular din ang Presidente sa mata ng publiko kaya malabong kumilos ang mga mambabatas upang pumabor sa impeachment complaint.
Masyadong napaaga yata ang pag-init ng pulitika sa bansa dahil hindi man lang nakakaisang taon sa termino ang Presidente ay aktibo na ang mga kritiko o oposisyon.
Sana naman ay mamayani pa rin sa lahat nang sektor lalo na mg mga pulitiko ang interes ng bayan at iwasan ang maagang pamumulitika dahil sagabal ito sa pag-unlad ng bansa.