ISANG gabi iyon na dumating kaming mag-anak mula sa pamamasyal. Ang lahat ng mga sasakyan sa aming kalye ay sa iisang side (left) lang nakaparada. Napatigil ang aming sasakyan dahil may nakaparadang SUV sa right side na katapat ng par-king space namin. Masikip ang kalye namin. Hindi puwede ang double parking. Nag-isip ang aking mister kung saan kami paparada. Puno ng nakaparadang sasakyan ang aming kalye.
Siyempre nanatiling nakailaw ang front light ng aming sasakyan. Minasama siguro iyon ng driver ng SUV. Gumanti ito at pinailaw din ang front light niya. Kami naman, ang akala namin kaya umilaw ay aalis na sila sa pagkakaparada. Nang nahalata naming hindi ito kumikilos at gumaganti lang ng pag-ilaw, pinaandar na namin ang sasakyan at gumawa na lang ng paraan na maiparada ito kahit saan.
Habang mabagal na gumugulong ang aming sasakyan, papalapit sa SUV, binuksan namin ang aming bintana upang pasimpleng kilalanin ang mga taong nakaupo sa harapan ng SUV. Nagkataong may nagsasalita habang nakatapat ang aming bintana sa nakabukas din bintana ng SUV: Akala mo...Vios lang naman! May karugtong pa pero hindi na namin naintindihan. Minamaliit ang aming sasakyang Vios.
Nang nasa tapat na kami ng aming bahay, unang bumaba ang aking panganay para siya ang mag-guide sa kanyang ama na maiparada nang maayos ang sasakyan. Ang bunso ay pumasok na sa bahay. Ako naman ay bumaba na rin pero nanatili akong nasa labas ng gate. Gusto kong alamin kung sinu-sino ang mga taong nasa loob ng SUV. Mga barkada pala ng binatang anak ng kapitbahay namin na isang taon pa lang nangungupahan sa aming katabi. Ang SUV ay pag-aari ng kanyang kabarkada. Walang sasakyan ang kapitbahay namin. Ang kapitbahay na ito ay hindi namin kaaway, pero hindi rin namin kaibigan.
Habang iginigiya ng aking anak ang kanyang ama sa pagparada, may nagsalita mula sa nakaparadang sasakyan. Malakas, painsulto at nakakalalaki. O, anoooo, okey naaa? Okey naaa? Nakaparada naaa?
Mula sa liwanag ng tail light na aming sasakyang Vios lang, nakita kong nagpapanting na ang mukha ng aking panganay. Pigil na pigil ang galit. Palalampasin na sana namin ang pang-aasar pero nagparinig na naman sa amin: Ang angasss!!!
(Itutuloy)