EDITORYAL - Pagyoyosi sa loob ng gusali, bawal na

NAKATAKDA nang pirmahan ni Pres. Rodrigo Duterte ang isang Executive Order na nagbaba-wal manigarilyo sa loob ng gusali sa buong bansa. Ang pagbabawal ay nakapaloob sa naunang Executive Order na nagbabawal manigarilyo sa lahat nang publikong lugar sa buong bansa. Si Duterte mismo ang humiling sa Department of Health (DOH) na gumawa ng draft para maisama ang pagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng gusali.

Sabi ni DOH Secretary Paulyn Jean Ubial, ang pagbabawal sa paninigarilyo sa loob ng mga gusali ay unang ipinatupad sa Davao City noong si Duterte pa ang mayor at naging matagumpay ang kampanya. Ayon sa DOH, ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa ay upang makaiwas sa pagkakasakit ang mamamayan. Ang second hand smoke ay mas matindi ang epekto sa mga nakalalanghap nito.

Ayon sa WHO, limang milyong tao ang namamatay taun-taon at maaaring maging walong milyon sa pagsapit ng 2030 kung hindi magkakaroon nang matibay na kampanya laban sa paninigarilyo.

Ayon sa DOH, ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay hypertension, heart attack, stroke, cancer at lung disease. Umano’y 14 milyong Pinoy ang may hypertension at ang dahilan ay ang paninigarilyo. Ang chronic obstruction pulmonary disease (COPD) ay isa sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo. Habambuhay na ang sakit na ito na kinapapalooban ng mahirap na paghinga.

Ngayong pipirmahan na ng Presidente ang EO na bawal nang manigarilyo sa loob ng gusali, magandang hakbang ito para mailigtas ang mamamayan sa pagkakasakit.

Kapag pirmado na ang kautusan, nararapat ipatupad ito nang buong husay ng mga kinauukulan. Kung tutuusin, mayroon nang ordinansa ang mga bayan at siyudad na bawal manigarilyo sa mga publikong lugar pero hindi ito naipatutupad. Sa umpisa lamang naging mahigpit. Sana, sa pagkakataong ito, hindi na ningas kugon ang pagpapatupad na bawal manigarilyo sa loob ng building o establishment.

Show comments