ILANG beses nang narinig sa gobyerno ang pagpulbos sa bandidong Abu Sayyaf.
Pero ilang beses pa ring nakapangidnap ang Sayyaf sa kabila ng pahayag ng gobyerno na napulbos na ito ng militar.
Ngayon ay nanindigan si Defense secretary Delfin Lorenzana na hanggang Hunyo ngayong taon ay malulumpo nito ang bandidong grupo.
Sana nga, magkatotoo ang pangakong ito ng Defense secretary at huwag matulad sa mga nakaraang administrasyon na natupad lang sa press release o sa media pero sa katotohanan, hindi naman nasugpo ang Sayyaf.
Dalawang usapin lang naman ang dapat na tutukan ng gobyerno upang tuluyang mapulbos ang Sayyaf.
Una, imbestigahan at parusahan ang mga hinihinalang lokal na opisyal na kumukunsinti at nagbibigay ng proteksiyon sa Sayyaf. Maliwanag na ang kidnap victims ay laging naipapasok sa Sulu na kung mahigpit na makikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan, hindi ito mangyayari at maaring madiskaril ang operasyon ng Sayyaf.
Isailalim sa malalimang imbestigasyon ang mga lokal na opisyal ng Sulu mula gobernador, mayor at pinuno ng barangay upang matiyak kung may kaugnayan o nagbibigay ng proteksiyon kapalit ng parte sa ransom.
At ikalawa, buhusan ng pondo ng national government ang Sulu at kalapit lalawigan para sa mga protektong pangkabuhayan upang umunlad ang kabuhayan doon.
Kapag nagawa ito, wala nang dahilan para may sumapi sa Sayyaf. May napipilitang sumapi sa Sayyaf dahil sa kahirapan ng buhay.