MALAPIT na ang summer. Sa mga bakasyunista, doble ingat. Aktibo at agresibo na naman ang mga sindikatong nag-aabang sa mga ekskorsyunista.
Muling nagpapaalala ng BITAG. ‘Wag tatanga-tanga sa inyong mga tutuluyang maliliit na hotel, condo, apartment o uupahang bahay.
Mga magbabakasyon ng matagal ang pangunahing target ng all points bulletin na ito. Baka kasi wala kayong kamuwang-muwang, ang susing hawak mo, hawak din pala ng mga sindikato.
Marami na ang mga luhaang nabiktimang lumapit sa aming action center hinggil sa ganitong insidente. Ang tanging kasalanan nila, masyadong excited at walang kaalam-alam na ang hotel room na nirentahan nila bitag pala ng mga kawatan.
Saka nalang malalaman na nasalisihan sila kapag naglaho nang parang bula ang mga mahahalaga nilang gamit, gadget at pera.
Patuloy na magbibigay ng babala ang BITAG sa ganitong mga uring modus bago pa ang kasagsagan ng tag-araw.
Kaya sa mga nagpaplano na mag-out of town lalo na kung magtatagal sa lugar, maging praning sa inyong mga double lock at door knobs.
Magpalit ng mga susi o di naman kaya magdagdag ng mga lock upang hindi kayo malusutan at maisahan.
Mas mabuti nang maging praning kaysa umuwing masama ang loob at luhaan.
• • • • • •
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa mga palabas ng BMUI, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.