Lalaki sa Russia, nagtayo ng chapel na gawa sa snow para sa bayang walang simbahan

ISANG bayan sa Siberia na kahit kailan ay hindi nagkaroon ng simbahan ang ipinagtayo ng isang lalaki ng maliit na kapilya na gawa sa snow.

Inabot ng dalawang buwan ang dating construction worker na si Alexander Batyokhtin bago niya mag-isang nakumpleto ang kapilya.

Natapos pa rin ni Batyokhtin ang konstruksyon sa kabila ng napakatinding lamig sa kanilang lugar na minsang nang pumalo ng -30 degrees Celsius.

Sa huli ay umabot sa 12 cubic meters ng snow ang nagamit ni Batyokhtin para sa maliit na gusali.

Nasa dalawa hanggang tatlong katao lang ang puwedeng magkasya sa kapilya ni Batyokhtin ngunit hindi naman ito alintana ng kanyang mga kababayan na masayang-masaya dahil sa wakas ay may sarili na silang simbahan.

Tanggap naman ng lahat na hindi magtatagal ang kapilya dahil matutunaw rin ito pagdating ng mainit na panahon.

Kaya umaasa si Batyokhtin na balang araw ay magkakaroon na ng permanenteng simbahan ang kanyang bayan.

Show comments