MARAMING kasabihan na ang ating nakagisnan. Tunay ba ito o pamahiin lamang? Subukan nga natin kung ilan ang tama ninyong masasagot. Okay, umpisahan na natin.
1. Ang mani raw ay pampatalino kaya dapat kumain habang nag-aaral sa exams.
Sagot: Tama. Ang mani ay brain food dahil mataas ito sa Omega 3. Ngunit isang dakot lang ang kainin at baka tumaba kayo.
2. Ang itlog at kamote raw ay nakakautot.
Sagot: Tama. Nakakautot din ang repolyo. Ang mga mahilig magsalita habang kumakain ay nauutot din.
3. Uminom ng mainit na sabaw pagkatapos kumain para matunawan.
Sagot: Tama. Ang mainit na tubig o sabaw ay nagpaparelax ng ating sikmura. Dahil dito, mas madali nang matutunawan.
4. Ang tahong at talaba ay aphrodisiac o tumutulong pampainit sa romansa.
Sagot: Mali. Ayon sa US Food and Drug Administration, walang basehan itong paniniwala. Nakaka-excite lang siguro ang hitsura ng talaba.
5. Ang saging ay dapat kainin pampatigas ng dumi kapag nagtatae.
Sagot: Tama. Ang mga nagtatae ay binibigyan ng BRAT diet ng doctor – Banana, Rice, Apple at Tea.
6. Ang pagkain ng mani at tsokolate ay nakaka-tagihawat.
Sagot: Mali. Ang tagihawat ay dahil sa ating hormones. Hindi dahil sa kinakain.
7. Dapat daw magsuklay ng 100 times sa gabi bago matulog para maging makintab ang buhok.
Sagot: Mali. Huwag masyado suklayin ang buhok dahil mabilis mapigtas ito. Hanggang 10 beses lamang.
8. Huwag tumapat sa electric fan at baka mangiwi ka.
Sagot: Tama. Huwag na huwag tatapat sa hangin ng electric fan o aircon sa gabi. Puwede kang magka-Bell’s Palsy. Ito ay ang pagkaparalisa ng ugat sa ating mukha. Ngingiwi ka.
9. Tuwing umaga, mag-yelo sa mukha para magsarado ang pores.
Sagot: Tama. Si Ate Vilma Santos ay gumagamit ng yelo bago siya magpa-make up. Makatutulong ito sa panandaliang pagsara ng pores.
10. Para sa mga babaing dinatnan ng mens ng unang beses, pahiran ng mens o dugo sa pisngi para hindi tagihawatin.
Sagot: Maling-mali po. Marumi ang mens.
11. Pindot-pindutin daw ang ilong ng baby na pango para tumangos ang ilong.
Sagot: Mali, pero puwede din subukan. Maaaring tumangos ng bahagya ang ilong.
12. Gupitin ang pilikmata ng baby para tumubong kulot at mahaba.
Sagot: Mali. Delikado po ito at baka matusok n’yo pa ang mata ng baby.
13. Kalbuhin ang bata kapag isang taon na siya para mas lumago ang buhok.
Sagot: Mali. Ang pagdami ng buhok ay namamana.
14. Pampaputi ng ngipin ang asin.
Sagot: Mali. Umiwas sa pag-inom ng soft drinks, iced tea at kape pare hindi manilaw ang ngipin.