Bakuna sa trangkaso

ANG flu ay trangkaso sa Tagalog. Pangkaraniwan na magkakaroon tayong ng 3 beses ng paglalagnat bawat taon. Ang sintomas ng flu ay tatlong araw ng paglalagnat, sipon, sakit ng ulo at katawan at walang gana kumain. Kadalasan ay gagaling din ito ng kusa. Pahinga at paracetamol tablets lang ang binibigay ng doktor.

Marami ang nagtatanong sa amin kung kailangan nilang magpa-injection ng flu vaccine bawat taon. Nagkakahalaga ito mula P500 hanggang P1,000. Natatakot silang magkasakit nito. Heto po ang payo ng mga eksperto tungkol sa flu vaccine.

 

Sino lang ang kailangan ng flu vaccine?

Ayon sa mga eksperto, may grupo ng mga tao lang ang nangangailangan ng regular flu vaccine tulad ng:

1. Mga taong edad 50 pataas.

2. Mga taong may matindi at matagalang sakit tulad ng emphysema, mahina ang puso, may kanser, may AIDS at may kidney failure.

3. Ang mga doktor, nars at caregivers na tumitingin sa maraming pasyente.

4. Mga buntis.

Kung mas bata pa kayo sa edad 50 at wala namang matinding sakit ay maaaring hindi pa magpabakuna.

Isa pang kaalaman. Kapag kayo ay nagpabakuna ng flu vaccine, hindi ibig sabihin ay ligtas na kayo sa pagkakaroon ng trangkaso. Mapo-protektahan lang kayo sa iilang virus na nakasama sa flu vaccine. Dahil dito, dapat pa rin kayong mag-ingat na huwag mahawa sa ibang tao.

 

Ano ang gagawin para makaiwas sa flu?

1. Kumain nang masustansyang pagkain tulad ng gulay, prutas at isda.

2. Matulog ng 8 oras. Magpahinga nang madalas.

3. Mag-ehersisyo ng katamtaman lang. Huwag magpapagod ng sobra.

4. Umiwas sa stress at puyat.

5. Kung kaya umiwas sa mga lugar na may maraming tao tulad ng sinehan, mall at kulob na simbahan.

6. Puwedeng uminom ng isang multivitamin araw-araw. Kahit generic multivitamin ay okay na.

Show comments