HINDI pa nalulutas ang kaso ng pagkidnap at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick-joo, mayroon na namang lumutang na kaso ng pangingidnap sa ilan pang Koreano sa Pampanga. Pitong pulis ang isinasangkot na pawang may mga ranggong Police Officer 1 (PO1). Mga pulis umano sa Angeles, Pampanga ang mga itinuturong kumidnap. Sinampahan na ng kaso ang mga pulis.
Sa Angeles din kinidnap si Jee ng mga pulis noong Oktubre 18, 2016. Pinasok ito sa bahay at saka dinala sa Camp Crame. Pinatay sa sakal habang nasa compound ng Crame. Makaraang patayin, dinala sa isang funeral parlor sa Caloocan at inimbalsamo. Sinunog ang bangkay sa isang crematorium sa Caloocan din at saka itinapon ang abo sa inidoro. Pitong pulis ang sangkot na ang itinuturong mastermind ay si SPO3 Ricky Sta. Isabel. Siya ang nakita ng maid na pumasok sa bahay at nagmaneho ng SUV. Siya rin ang nakitang nagwi-withdraw ng pera sa ATM card umano ng biktima. Pinabulaanan naman ni Sta. Isabel ang akusasyon.
Ang pagkakapatay sa Korean businessman ang pinag-ugatan kaya maraming nanawagan na mag-resign na si PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa. Hindi na raw natututukan ni Bato ang kanyang nasasakupan. Binatikos din ang paglalamiyerda ni Bato: panonood ng concert, basketball, boksing at iba pa. Pero sabi ni President Duterte, malaki ang tiwala niya kay Bato.
Kaya kahit ano ang panawagan kay Bato na mag-resign, walang mangyayari dahil kalong siya ng Presidente. Ang mabuting gawin ni Bato ay ipakitang karapat-dapat pa nga siya. Magsagawa siya ng reporma sa PNP. Paglilinis mula taas pababa. Maging maingat din sa pagkuha o pag-recruit ng mga bagong pulis. Salain o piliing mabuti. Kapansin-pansin na ang mga pulis na sangkot sa krimen ay pawang PO1 at PO2. Tutukan ito ni Bato.