ANO ang nakahihigit sa ating diet, karne o isda? Gaano karami ang nakakain nating karneng baboy o baka kaysa sa isda? Makailang ulit na ba na-ting narinig na higit na mainam kumain ng isda kaysa karne ng baboy o baka? Sinasabing mas malayo tayo sa pagkakasakit sa puso kung mas marami tayong kinakaing isda kaysa karne ng hayop. May kinalaman ito sa omega-3 fatty acids ng mga isda.
Ang omega-3 fatty acids ay ang tabang tinataglay ng isda. Nagtataglay din kasi ng kolesterol ang isda. Pero ang taba na makikita sa isda ay mababa sa tinatawag na saturated fatty acids na masama sa ating puso. Ang mga isda na medyo mataba ay matatagpuan sa malalim na bahagi ng dagat, gaya ng salmon at mackerel, at sinasabing nagtataglay nang maraming “omega-3 fatty acids.”
Sa mga isinagawang pag-aaral, napatunayang may idinudulot na proteksyon laban sa pagkakasakit sa puso ang omega-3 fatty acids. Inilalayo tayo nito sa pagkakaroon ng atake sa puso. Ito ang dahilan kung bakit naging popular ngayon ang napakaraming food supplements na may omega-3 fatty acids.
Batay sa isang pag-aaral na isinagawa, ang mga kababaihang kumakain ng isda limang beses sa isang linggo ay bumaba ang panganib ng matinding atake ng puso ng 45% kumpara sa mga babaeng kumakain lamang ng isda paminsan-minsan lang sa isang buwan. Sa isa pang pag-aaral, natuklasan na ang mga kalalakihang nagtataglay nang maraming omega-3 fatty acids sa katawan ay bumaba ang panganib ng atake sa puso ng 81% kumpara sa mga lalaking mababa ang level ng omega-3 sa katawan.
Paano naman ang seafoods na gaya ng hipon, alimango, talaba, at iba pang shellfish na mataas ang kolesterol?
Ang mga nabanggit na seafoods ay nagtataglay nang maraming kolesterol kumpara sa mga karaniwang isda na ating kinakain kung ang pag-uusapan ay ang “total fat” at “saturated fatty acids. Pero kung ikukumpara pa rin sa taba na galing sa karneng baboy, baka, o manok, mas mabuti pa rin ang mga ito. Bawasan lamang ang pagkain nito sa ating pang-araw-araw na diet.
Kung nais mapababa ang level ng kolesterol sa katawan, maipapayo ang pagkain nang maraming isda kaysa karne. Dagdagan din ang pagkain nang maraming gulay.