NAGPATULOY ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y planadong pagpatay kay Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr. at humarap na ang anak nito na tinaguriang drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.
Sa mga testimonya ni Kerwin, nadiin si Sen. Leila de Lima at ilang matataas na opisyal ng PNP sa ilegal na droga.
Kung pagbabasehan ang imbestigasyon ng Senado ay tila walang kawala si De Lima at mga pulis na tumanggap umano ng drug money kay Kerwin.
Pero kung magiging mapanuri lamang ang publiko, parang napanood na natin ang eksenang ito na ang Senate inquiry ay tinutukan ng lahat.
Kung matatandaan, isang malaking halimbawa ng Senate inquiry na tinutukan ng lahat ay ang fertilizer fund scam at ang ZTE broadband deal, jueteng at iba pang napakaraming umano’y anomalya sa gobyerno.
Pero saan nakarating ang mga kaso? Ang mga inakusahan ay hindi naman naparusahan at ang iba ay nakalaya at muling nakabalik sa posisyon sa gobyerno.
Sa pagkakataong ito, na may kinalaman sa ilegal na droga ang iniimbestigahan ng Senado, sana ay magkaroon ng bunga.
Ang imbestigasyon ng Senado ay upang makatulong lang sa pagbalangkas ng batas at magrerekomenda lamang sa mga dapat kasuhan.
Hintayin ng lahat na magkaroon ng bunga ang Senate inquiry lalo na ang paglilinis sa mga bugok sa PNP na sangkot at protektor sa illegal drugs.
Abanga natin kung makikinabang ang publiko sa pagtatapos ng imbestigasyon at hindi matulad sa mga naunang inquiry na nauwi sa wala.