SA darating na Nobyembre 23, pitong taon na ang Maguindanao massacre kung saan 58 katao – 32 rito ay mamamahayag --- ang walang awang pinatay at inilibing sa isang malaking hukay. Naganap ang massacre ilang kilometro ang layo sa Shariff Aguak, kung saan magpa-file ng certificate of candidacy ang asawa at kaanak ng noon ay Buluan Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu. Kandidatong governor si Mangudadatu. Kabilang sa convoy ang kanyang supporters at mga mamamahayag. Pero bago nakarating sa destinasyon, hinarang ang mga ito ng 100 armadong kalalakihan na pinamumunuan umano ni Andal Ampatuan Jr. Pinababa ng sasakyan ang mga nasa convoy at pinagbabaril. Nang masigurong patay na lahat, inilibing ang mga ito sa malaking hukay kasama ang mga sasakyan.
Sinampahan ng kaso ang mag-aamang Ampatuan --- Andal Ampatuan Sr., Andal Jr. at Zaldy at 200 iba pa. Ikinulong sila sa Bicutan jail. Noong 2014 namatay ang matandang Ampatuan na utak umano ng masaker. Ang may hawak ng kaso ay si Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221. Pero ayon sa report, maaaring bitawan na raw ni Solis-Reyes ang kaso sapagkat nominado ito sa pagiging Associate Justice.
Marami sa mga kaanak ng biktima ang nawawalan na ng pag-asa na makakamtan pa ang hustisya. Pangamba rin ng mga naulila ay ang pagkawala ng mga testigo sa karumal-dumal na krimen.
Saan na patungo ang karumal-dumal na kasong ito? Hanggang kailan maghihintay ang mga kaanak ng biktima? Ilang taon pa ang hihintayin. Sana naman, huwag iwanan ni Judge Solis-Reyes ang kasong ito at tapusin ang kanyang nasimulan. Kung iba ang hahawak sa kaso, maaaring tumagal pa nang tumagal bago ito madesisyunan.
Nagbigay naman ng assurance si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, matatapos ang kaso sa panahon ng Duterte administration. Ibig sabihin, anim na taon pang maghihintay ang mga kaanak ng biktima? Anim na taon pang titiisin ang hapdi ng alaala ng pinatay nilang kaanak.
Sana naman ay maging maikli ang paghihintay. Tapusin na ang Maguindanao massacre case para maigawad ang hustisya. Pitong taon nang naghahanap ng katarungan ang kaanak ng 58 biktima.