MINSAN tinawagan ako ng aking best friend na matandang dalaga, si Jel. Nakikitira siya sa kanyang younger sister na may asawa. Lately napapansin niyang umaasim na ang pakisama ng kanyang bayaw sa kanya simula nang matanggal ito sa trabaho. Halimbawa, pasimple siyang pariringgan na malaki ang natitipid ng isang tao kung libre lang ang kanyang bahay. Iyon ay sa kabila ng pagbibigay niya ng kontribusyon sa household expenses. Ginagawa ang pagpaparinig kapag wala ang kanyang kapatid.
Alam ni Jel na mag-aaway ang mag-asawa kapag siya ay nagsumbong sa kanyang kapatid. Mahal na mahal siya ng bunsong kapatid. Mga ilang taon na ang nakakaraan, nagkasagutan sila ng kanyang bayaw dahil lamang sa nakialam siya habang pinapalo nito ang anak na babaeng limang taong gulang. Nakita niyang malakas ang hampas ng tsinelas sa puwet na kanyang pamangkin. Pinahinto niya ang pagpalo sa pamamagitan ng pagharang ng katawan niya. Nalaman iyon ng kanyang kapatid at sa kanya kumampi. Nag-away ang mag-asawa at muntik nang maghiwalay.
Humihingi ng payo si Jel kung ano ang dapat nitong gawin.
“Huwag ka munang magsumbong. Daanin muna natin sa dasal. Ipagdasal natin na mabawasan sana ang sama ng ugali ng iyong bayaw. Mahirap humiling ng maging mabait. Ma-ngangailangan pa iyon ng bonggang milagro. Bawas na lang ng sama ng ugali.”
Napatawa sa kabilang linya ang aking kaibigan. Napangiti ako. At least, gumaan kahit paano ang pakiramdam nito. Kinagabihan, ginaya ko ang ginagawa ng aking kakilalang relihiyosa kapag ipinagdadasal niya ang ibang tao. Isinulat ko sa papel ang pangalan ni Jel at kanyang bayaw. Inilagay ko sa ilalim ng imahen ng santo ang papel na sinulatan ko. Nagrosaryo ako at humiling na matanggap na sana ang bayaw sa pinag-aaplayan nito para magliwanag ang isipan at bumait sa aking kaibigan. Ganoon lang kasimple ang aking panalangin. Ganoon din pala ang ipinagdasal ni Jel. Kahit masama ang ugali ng bayaw, ayaw naman niyang mag-wish dito ng masama. Asawa siya ng kanyang kapatid at ama ng kanyang lovable na pamangkin.
Pagkaraan ng isang linggo, masayang ibinalita ni Jel na may trabaho na ang kanyang bayaw. Smooth na ulit ang takbo ng kanilang buhay sa bahay. Pero may ipinagtapat ang aking kaibigan. Aalis na siya sa bahay ng kanyang kapatid. May nabili na siyang condominium na noon pa niya hinuhulugan. Paluluwasin na niya ang kanyang ama at ina na nangungupahan lang sa probinsiya.