Tuldukan na ang isyu kay Marcos
NAGDESISYON na ang Korte Suprema kahapon sa isyu nang paglilibing kay dating Pres. Ferdinand Marcos. Sabi ng Korte, walang balakid na batas upang hindi pahintulutan na mailibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos.
Lumilitaw na legal ang naunang desisyon ni Pres. Rodrigo Duterte na payagang mailibing na si Marcos sa Libingan ng mga Bayani ayon na rin sa kagustuhan ng pamilya ng yumaong Presidente.
Dahil dito, makabubuting irespeto nang lahat ang desisyon ng Korte. Manahimik na ang mga kumukuwestiyon dahil nagsalita na ang Kataastaasang hukuman.
Kung maililibing nang tuluyan si Marcos ay matatapos na ang sinasabing hidwaan ng pamilyang Marcos at Aquino. Matatahimik na ang magkalabang pamilya sa larangan ng pulitika.
Sakaling mailibing si Marcos, hindi na rin magiging isyu sa kampanya ng mga Aquino at kaalyado nito ang mga Marcos at mag-iiba na ang puwedeng gamiting isyu.
Kahit pa man mailibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos ay hindi naman nangangahulugan na matatabunan na ang mga sinasabing paglabag sa karapatang pantao at mga hinahabol na umano’y nakaw na yaman.
Dapat ay habulin pa rin at tutukan ang mga kaso na may kinalaman sa paghahabol sa mga umano’y tagong yaman ng mga Marcos at maisoli ito sa kaban ng bayan.
Para sa ikatatahimik nang lahat, baguhin na rin ang pangalan ng Libingan ng mga Bayani at manatili na lang na idetalye kung sino ang mga kuwalipikadong ilibing dito.
- Latest