Paghahanda sa kamatayan
HINDI naman matatawag na huli na ang paksa sa kolum ko sa okasyon dahil hindi lang naman tuwing Undas maaaring pag-usapan ang hinggil sa mga usaping may kinalaman sa mga patay. Lubha lang natututukan ang mga usaping may kaugnayan sa mga patay tuwing sasapit ang una at ikalawang araw ng Nobyembre dahil hinihingi ng okasyon. Pero mas madalas itong pag-usapan lalo na kung namamatayan tayo ng mahal natin sa buhay o ibang kaibigan o kakilala.
Sa mga panahong merong namamatay sa ating pamilya, kung hindi ka rin lang nabibilang sa mga maykaya sa buhay o matatawag na mayaman, sakit ng ulo ang mga gastusin sa burol at libing. Matinding palaisipan kung saan kukuha ng pambayad sa punerarya, simbahan, sa lote sa sementeryo, pambili ng kabaong at iba pa. Hindi pa kasama ang mga gastusin sa tatlo o pitong araw na lamay. Ang masakit dito ay ang biglaang gastusin na siyempre pa ay hindi napapaghandaan at dumating sa biglang pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya. Mapalad iyong mga merong makukuhang benepisyo sa Social Security System (SSS) o Government Service Insurance System (GSIS) o sa ibang insurance dahil mababawi nila ang anumang gastusin sa pagpapalibing sa patay. Paano naman iyong mga mahihirap na taong walang ganyang mga benepisyo? Meron namang tinatawag na pauper’s burial na karaniwang ipinagkakaloob ng gobyerno sa mga mahihirap na namamatay bagaman hindi nga lang tulad ng maayos na libing na natatanggap ng mga merong insurance o merong kakayahan sa magandang libing.
Maaaring nakakakilabot pag-usapan pero, mas mainam na, habang nabubuhay tayo sa lupa at malakas pa, pinaghahandaan na natin ang paglisan sa mundo hindi lang sa espiritwal kundi sa pisikal na rin. Marami na ring mga tao na, maaga pa lang ay pinaghahandaan na nila ang kanilang kamatayan para hindi na magkaproblema ang kanilang mga mauulila. Meron sa kanila na, kahit meron nang SSS o GSIS benefit, kumukuha na rin sila ng private insurance. Pinaghandaan na nila ang pambili ng kanilang kabaong at hukay o kaya ay nakabili na sila ng ataul at lote sa sementeryo. Mas mainam ang paghahanda kung batid nating malapit nang mamatay ang isa nating kaanak dahil sa matin-ding sakit para mapagbigyan ang anuman niyang kahilingan.
Sa mga umpukan na napapag-usapan ang mga patay, hindi nawawala ang mga suhestiyon na mas mainam ang cremation o pagsunog sa bangkay dahil mas matipid at mas praktikal. Hindi na ito magiging pabigat sa maiiwan nilang pamilya. Tutal naman, i-cremate man tayo o hindi, babalik pa rin ang katawan natin sa pagiging lupa. Pinabibilis lang ito sa cremation. Pero, dahil bawat tao sa mundo ay merong kanya-kanyang paniniwala at relihiyon, nagkakaiba rin ang kanilang pananaw sa paglili-bing ng patay. Pero, sana, ang mahalaga ay ang paghahanda sa anumang maaaring mangyari sa hinaharap.
- Latest