Curfew sa minors, ibalik na!

Maging si Pangulong Digong umaasa na aalisin ng Korte Suprema ang TRO (temporary restraining order) para sa curfew sa mga menor de edad o mga kabataan na ipinatutupad sa ilang lungsod sa Metro Manila.

Sakaling alisin ang TRO, marami rin ang umaasang maipapatupad  na rin ang ganito sa iba pang lungsod o munisipalidad.

Layunin kasi sa isinagawang  curfew sa minors ay maiiwas ang mga kabataan sa panganib ng lansangan lalu na sa dis-oras ng gabi.

Alam ba ninyong noon lamang nakalipas na Biyernes, sa Maynila kitang-kita sa video ang pagsasagupa ng dalawang grupo ng kabataan sa may Quezon Bridge.

Ang tatapang, batuhan, may dalang mga pamalo at meron pang nakunan na may bitbit ng baril.

Madaling araw ng maganap ang sagupaan ng mga ito, talagang walang sini-sino, imbes na nasa kanilang mga tahanan nasa gulo sa lansangan.

Tama ba yan?

Noon namang nakalipas na linggo, hindi nga ba’t kalunos-lunos ang sinapit ng mga kabataang nasa edad 12-13 na nasagasaan ng  tren ng PNR makaraang matulog ang mga ito sa mismong riles, sa Sta Cruz, Manila.

Tatlo ang nasawi at tatlo ang nasugatan. Nagkayayaan ang mga kabataang ito na matulog sa riles, hinihinala na doon pa nga nag-inuman.

Ayon sa isa pa nilang kaibigan na nakaligtas sa trahedya, magdamag daw silang magkakasama ng mga biktima at napagtripan o napagkatuwaan nilang matulog sa riles.

Nakapagtataka at marami ang nagtatanong kung bakit ang ganitong mga edad ay inaabot ng magdamag o umaga sa mga lansangan. Isipin pang sa pagkakatuwaan ay sa mapanganib na riles magsitulog.

Sa ulat posibleng nag-inuman sa may riles ang magkakaibigang kabataan at  doon na rin inabot ng antok.

Maraming magulang ang nagustuhan ang  curfew para na rin sa kaligtasan ng mga ito.

Kadalasang ang mga kabataan din na ginagabi o inauumaga sa lansangan dahil sa barkada ang siyang madaling mahikayat sa masasamang gawain.

Kaya nga maging si Pangulong Digong ay umaaasa na aalisin na ng SC ang TRO ukol dito .

Ito ang aantabayan natin sa mga susunod na araw.

Show comments