Sampalin ang mangungotong
MISMONG si Pres. Rodrigo Duterte ang nagbigay ng go signal na sampalin ang mga mangungotong.
Maging ang overseas Filipino workers (OFWs) na madalas biktimahin ng mga tiwali sa airport ay sinabihang sampalin ang mga korap na tauhan ng gobyerno.
Magandang senyales ito at mismong ang Presidente na ang nagbigay ng go signal kaya makabubuting subukan ito ng mga Pilipino.
Basta’t sa lantarang lugar ay puwedeng harap-harapan na sampalin at agad isumbong sa kinauukulan ang sinumang mangungotong.
Babala na ito sa mga taga gobyerno na dapat ay tumino na dahil tiyak mapapahiya ang mga ito kung may papalag na bibiktimahin.
Dapat silipin din ng Presidente ang performance ng mga naitalaga nitong bagong opisyal ng gobyerno na bigong matigil ang korapsiyon sa kanilang mga ahensiya.
Dapat tingnan ng Presidente ang Bureau of Customs, Bureau of Immigration, BIR, PCSO at Pagcor.
Kung sablay din naman ang mga opisyal ay maaring agad na mapalitan ng karapat-dapat upang tumugon sa nais ng Presidente na maging malinis ang gobyerno at higit sa lahat ay ma-ging maayos ang serbisyo sa taumbayan.
Mag-abang na lang tayo sa pangako ng Presidente na magiging mahigpit ito sa kampanya laban sa katiwalian na ugat nang paghihirap ng mga Pilipino.
- Latest