MATAAS ang mortality rate ngayon sa mga piggery farm.
Dala ng matinding init at pabago-bagong lagay ng panahon marami ang nagkakasakit at namamatay. Dito, marami rin ang nagiging malikhaing trabahante.
Oportunidad kung ituring nila ang ganitong pagkakataon. Oportunidad para kumita at magkapera sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga carcass.
Sa halip na sunugin at ilibing ang mga patay na hayop, nasisikmura nila itong pakinabangan. Itinatawag sa mga kontratistang bibili ng mga patay na baboy para ibagsak sa mga wet market.
Matagal nang namamayagpag ang patagong industriyang ito. Patuloy pang namamayagpag dahil may mga tumatangkilik sa merkado.
Sa mga naidokumento ng BITAG, may kanya-kanyang sign language o senyasan ang mga tindero at parokyano.
Alam ng mga suki nila ang kalakaran, oras at puwesto ng mga inilalakong double dead meat. Binibili nila ito hindi para ipakain sa kanilang pamilya kundi para ibenta at pagkakitaan.
Hindi naman nilalahat pero ito ‘yung mga madalas ibinibenta sa gilid-gilid ng mga lansa-ngan na ihaw-ihaw o barbeque o ‘di naman kaya sa mga maliliit na karinderya sa mga terminal.
Ngayong “ber” months, asahan nang dadagsa pa ang mga ibinibentang botcha sa mga pamilihan partrikular sa mga night market.
Pinapaalalahanan ang mamimili lalo na ang mga ina ng tahanan, maging wais. Huwag ipakipagsapalaran ang kapakanan ng inyong pamilya.
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.