Local government kalampagin sa trapik

PATULOY na lumalala ang problema sa trapiko sa Metro Manila kaya naman iba’t ibang pamamaraan na ang iniisip ng Department of Transportation (DoTr) upang maibsan ang nasabing problema.

Tulad sa kahabaan ng EDSA, C5, Alabang-Zapote road at Roxas Blvd. ay ipapatupad na sa Lunes ang pag-aalis ng “window hour” sa number coding.

Isa ito sa dagliang solusyon na nakikita ng gobyerno upang maibsan ang inaasahang paglubha ng problema sa trapiko sa pagpasok ng holiday season.

Sa problema sa trapiko ay hindi na kailangan pa ang emergency powers dahil may sapat ng kapangyarihan ang DoTr na kung gagamitin lang ito ay malulutas ang problema.

Isa rin sa pinaka-importanteng dapat na bigyan ng responsibilidad ay ang mga local na pamahalaan sa Metro Manila.

Dapat ay obligahin ang mga mayor na tumulong sa pagresolba sa trapiko.

Isang magandang halimbawa ang Maynila kung saan ay nagpatupad ng no parking zone sa Rizal Avenue at isusunod ang iba pang pangunahing lansangan na nakatulong upang bahagyang lumuwag ang daloy ng trapiko.

Sa Quezon City, dapat nang gisingin si Mayor Herbert Bautista upang ayusin ang problema sa trapiko tulad ng paglulunsad ng mga clearing operations sa mga secondary roads upang magsilbing alternatibong ruta.

Kung malilinis lang ang nasabing secondary roads o side streets ay tiyak na luluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA at C5.

Mahalagang makipagtulungan ang mga lokal na opisyal at pag-isahin na lamang ang sistema sa trapiko sa Metro Manila upang mas maging mabisa ang solusyon sa nasabing problema.

Show comments