NAG-IISANG nakasilong sa waiting shed si Maricel. Malakas ang buhos ng ulan at matatalim ang kidlat at saka susundan nang malakas na kulog. Sanay siyang makakita ng kidlat at makarinig ng kulog dahil sa probinsiya ay nakakaranas sila nito pero kakaiba ang nangyayari ngayon. Pakiramdam niya, hindi titigil ang ulan sapagkat masinsin ang patak. Kapag sa loob ng kalahating oras at hindi pa ito tumigil, delikadong bumaha. Ang lugar pa namang ito ay mababang lugar. Nabasa niya na lumubog ito noong 2009 na nanalasa ang “Ondoy’’. Kapag bumaha, lalo siyang hindi makakauwi. Tiyak na wala nang dadaang dyipni o taxi. Naidasal ni Maricel na tumigil na sana ang ulan.
Sinisi niya ang sarili kung bakit lumabas agad sa pinagdausan ng seminar kung saan siya ang resource person sa pagsulat ng script pampelikula at pagdidirek.
Sana hindi muna siya agad-agad lumabas sa auditorium. Hindi sana siya inabot dito sa waiting shcd na walang katau-tao. Nakakatakot dito sapagkat maaari siyang mapahamak. Madilim. Wala siyang magagawa kapag may nambiktima sa kanya. Kung may magtatangka sa kanyang manggahasa, baka walang makarinig sa kanyang sigaw lalo pa nga’t malakas ang ulan.
Hindi mapalagay si Maricel. Sana’y tumigil na ang ulan!
Naalala niya ang cell phone sa bag. Kinuha niya. Lalo siyang nag-worry sapagkat ilang bar na lang at maglo-low bat na ito. Ano ba itong nangyayari sa kanya?
Patuloy pa ang pag-ulan. Napansin ni Maricel na hanggang bukung-bukong na ng paa ang tubig sa kalsada. Kapag hindi pa tumigil ang ulan, baka umabot na hanggang tuhod ang baha. Diyos ko, tulungan Mo ako!
Maya-maya, may naaninaw si Maricel na taong papalapit. Baka holdaper o rapist ang papalapit? Sunud-sunod ang dasal niya na iligtas siya sa kapahamakan.
Nakasumbrero ang lalaki at may dalang payong.
Umusod si Maricel sa dakong loob pa ng waiting shed. Kinakabahan siya. Ano ang gagawin niya kapag nagtangka ang lalaki?
(Itutuloy)