EDITORYAL - Kamatayan sa mga pulis na nagre-recycle ng shabu

GUSTO ni President elect Rody Duterte na pagbigti ang parusa sa mga nagkasala nang mabigat gaya ng drug trafficking. Kung maibabalik ang death pe-nalty gaya nang pangako ni Duterte, maraming pulis na drug traffickers ang mabibigti.

Sobrang talamak na ang problema sa illegal na droga. Kahit sa concert ay lantaran na ang pagbebenta. Gaya ng concert sa Pasay noong nakaraang linggo na ikinamatay ng limang tao na gumamit ng pinaghalu-halong shabu, Ecstacy at cocaine. Dalawa sa namatay ay kabataan.

Hindi kailanman mauubos ang droga particular ang shabu kahit pa araw-araw ay magsagawa ng raid ang mga awtoridad. Nire-recycle kasi ng mga corrupt na pulis ang kanilang nakukumpiska. Kukunin ng mga corrupt na pulis ang kalahati sa nakumpiska at ang kalahati niyon ang idedeklara. Muling ibebenta ng mga corrupt na pulis ang shabu.

Ayon sa report, mga pulis mula sa narcotic department o anti-illegal drug unit ang nagre-recycle ng shabu. Hindi nga naman sila agad-agad mapapaghinalaan na nagtutulak ng droga. Maaari nilang sabihin na ang mga shabu na makukuha sa kanila ay bahagi ng kanilang nasamsam sa raids. At hindi rin sila maaakusahang nagbebenta sapagkat ang perang kabayaran sa droga ay idinadaan sa ATM. Walang makikitang nagbayaran.

Halos ganito ang ginawa ng bagitong pulis na si PO2 Jolly Allangan na nahulihan ng shabu sa magarang bahay nito sa Balic-Balic, Sampaloc, Manila noong nakaraang linggo. Bukod sa shabu, nakum-piska rin ng NBI kay Allangan ang matataas na kalibreng baril at perang umaabot sa P7 milyon na nasa vault. Arestado rin ang pinsan at asawa ni Allangan na tinangkang i-flush sa inidoro ang shabu.

Kahit nahulihan ng shabu, sinabi ni Allangan na hindi siya nagbebenta ng shabu. Pero sabi ng NBI, matagal na nilang sinu-surveillance ang pulis hanggang sa makakuha ng warrant at sinalakay na ang magarang bahay nito. Kinasuhan na si Allangan,  asawa nito at pinsan.

Paikut-ikot ang shabu na nakukumpiska ng mga corrupt na pulis. Tiyak na marami pang kasama si PO2 Allangan sa pag-recycle ng shabu at tiyak din na may matataas pang ranggo. Dapat madakma rin ang iba pang pulis na kasama ni Allangan para sunud-sunod silang mabigti gaya nang nais ni Duterte sa drug traffickers.

 

Show comments