EDITORYAL - Batas sa agricultural smuggling, lagdaan na

KATULAD ng Freedom of Information (FOI) Bill na nakatengga sa Malacañang sapagkat ayaw lagdaan ni President Noynoy Aquino, ganito rin ang maaring kahinatnan ng panukalang batas laban sa mga nag-i-smuggle ng agricultural farm produce. Aalis na si P-Noy sa Hunyo 30 at tiyak na maiiwang nakatambak lamang ang mga panukalang batas  na inaprubahan ng Senado at Kamara. Mapapabilang dito ang panukalang batas laban sa mga smuggler ng agricultural products na kinabibilangan ng bigas, mais, bawang, sibuyas, carrots at maging ang karne ng baboy, manok at pati isda. Sa ilalim ng panukala, nakasaad na ang pagpupuslit sa bansa ay ituturing na economic sabotage.

Talamak ang smuggling ng bigas at iba pang agrikulturang produkto sa bansa. Ito ang pumapatay sa mga local na magsasaka. Dahil sa pagbaha ng smuggled agri products, wala nang kinikita ang mga magsasaka. Mas binibili ang mga smuggled na bigas at sibuyas sapagkat mas mura kaysa local na produkto. Kaya hindi masulit ng mga magsasaka ang kanilang ginastos sa inani. Hindi naman nilang maaaring ibaba sapagkat matatalo sila.

Tinatayang P200 billion ang halaga ng mga agricultural products na ipinasok sa bansa mula 2010. Maiimadyin ang nawalang kita sa mga local na magsasaka dahil sa pagpasok ng mga smuggled na produkto. Inagawan ng kita ang mga kawawang magsasaka na bago nakapag-ani ay maraming hirap na dinanas.

Ang paglipol sa rice smugglers ang isa sa pina­ngako ni president-elect Rody Duterte. Nagawa na niya ito sa Davao at gagawin na niya sa buong bansa. Mas lalong marami ang matutuwa kung maisasabatas na ang anti-smuggling. Parusahan ang mga “salot” na pumapatay sa mga magsasaka.

Show comments