Babae sa New Zealand, titira ng isang buwan sa bathtub para sa kapakanan ng killer whale
ISANG buwan na titira sa isang maliit na bathtub ang New Zealander na si Danielle Daals bilang protesta sa diumano’y nakakalunos na pagtrato sa isang killer whale ng isang ocean park sa Miami.
Tatlumpung araw mananatili ang 30 anyos na aktibista sa isang maliit na bathtub sa harap ng Miami Seaquarium upang malaman ng publiko ang nakakaawang kalagayan ng killer whale na si Lolita sa loob ng nasabing ocean park.
Mula kasi 1970 ay namamalagi ang 22-talampakang killer whale sa isang tankeng may sukat lamang na 60 by 80 by 20 feet at sinasabing siyang pinakamaliit sa buong North America.
Mananatili si Daals sa isang bathtub ng isang buwan dahil para sa kanya ay iyon marahil ang nararamdaman ng dambuhalang si Lolita sa loob ng isang napakasikip na languyan sa loob ng higit sa 45 taon.
Umaasa si Daals na sa pamamagitan ng kanyang pagpro-protesta ay mapapakawalan si Lolita papunta sa natural nitong tahanan sa karagatan.
Hindi naman natutuwa ang Miami Seaquarium sa ginagawa ni Daals. Wala silang balak na pakawalan si Lolita na ayon sa kanila ay maaring mamatay kung ibabalik na lang ito basta-basta sa karagatan.
Hindi naman naniniwala si Daals sa paliwanag ng kompanya dahil ayon sa kanya, hindi na bata si Lolita nang ito ay mahuli noong 1970 kaya marunong na itong mabuhay ng mag-isa sa karagatan noon pa man. Dagdag pa niyang may malalaking utak ang mga killer whale kaya siguradong matatandaan ni Lolita kung paano dumiskarte sa ilalim ng karagatan kung sakaling ito ay mapakawalan.
- Latest