Sir Juan (111)
“HUWAG kang umiyak, Mahinhin,” sabi ni Sir Juan. “Opinyon ko lang naman na baka mga kidnaper ang sumusunod sa iyo. Sabi mo nga hindi ka naman lumingon para makita ang nasa likuran mo.’’
“Opo, Sir Juan. Natatakot po kasi ako.’’
“Kaya hindi pa nga sure kung ikaw nga ba ang sinusundan. Malay mo mga estudyante rin na nagmamadali ang mga iyon.’’
Nag-isip si Mahinhin. Maaaring tama si Sir Juan. Baka naman hindi siya ang sinusundan. Pero siya lang naman ang naglalakad ng gabing iyon patungo sa jeepney terminal. Tandang-tanda niya na nag-iisa siya. Kaya malakas ang kutob niya, siya ang sinusundan ng dalawang tao.
“Sana lumingon ka para nakita mo kung sinuman ang mga iyon.’’
“Talaga pong takot na takot ako.’’
Napaiyak uli si Mahinhin.
“Huwag ka nang umiyak. Kung gusto mo, susunduin kita mamayang gabi sa school.’’
“Naku, nakakahiya naman po Sir Juan.’’
“Okey lang yun. Ano susunduin kita?”
“Talaga pong hindi nakakahiya?’’
“Oo. Okey lang. Ano bang oras ka lalabas mamaya?’’
“Nine po.’’
“Sige, mag-aabang ako sa gate ng eksaktong nine.’’
“Salamat po Sir Juan.’’
EKSAKTONG alas nuwebe ay nasa gate na ng unibersidad si Sir Juan at inaabangan ang paglabas ni Mahinhin.
Makaraan ang limang minuto ay dumating na si Mahinhin.
“Kanina ka pa Sir Juan?’’
“Five minutes ago. Tayo na.’’
Naglakad sila. Madilim ang kanilang dinaanan patungo sa jeepney terminal.
“Saan ka sinundan?’’
“Dito po.’’
Napakapit si Mahinhin sa matitigas na braso ni Sir Juan. (Itutuloy)
- Latest