Basic cell phone nasa sirkulasyon pa rin
USONG-USO sa kasalukuyan ang mga smartphone. Ito iyong gadget na may mas makabagong operation system at pinagsama ang mga katangian ng personal computer, basic phone, personal digital assistant, media player, GPS navigation unity, bukod pa sa mas mabilis na internet, mas malilinaw na camera, video, touch screen, mas mabibilis at mas magagandang games at iba pa. Kapag nauubos na ang power ng baterya, nariyan ang power bank kaya tuloy ang ligaya sa paggamit ng ganitong mas hi-tech na telepono. Masasabing nagtulak din sa pamamayagpag nito ang social media tulad ng Twitter at Facebook. Ang smartphone nga ang nagpahina sa negosyo ng mga laptop.
Sa mga tindahan ng mga cell phone, sa mga shopping mall man o sa mga palengke at kahit sa bangketa, kapansin-pansin na mas maraming itinitindang mga smartphone kumpara sa mga dati o lumang modelo ng mga cell phone.
Pero, kahit nauuso at maraming bumibili sa kasalukuyan ng mga smartphone, hindi pa rin nawawala sa sirkulasyon ang mga lumang modelo ng mga cell phone na nabibili na sa napakamurang halaga. Iyong gumagamit pa ng keypad, walang wifi, pero puwede pa ring gamitin kung basic phone ang hanap mo. Pinakamababa nang mabibili yaong mga halagang P400. Kahit paano, pabor ito sa mga tao na kapos sa badyet. Meron nga diyang mga trabahador na nagtitiyaga sa lumang modelo ng cell phone na nagagamit lang sa pagti-text at hindi sa pagtawag. Kinagat lang nila iyon dahil kailangan niya sa komunikasyon sa kanilang pamilya habang nasa malayong lugar sila o kaya ay para sa kanilang trabaho.
Ang iba naman, kahit meron nang smartphone, bumibili pa rin ng mumurahing lumang modelo o ginagamit pa rin ang kanilang mga dating basic na cell phone sa maraming kadahilanan. Isa diyan iyong para makaiwas sa “mata” ng mga mandurukot o holdaper. Iyong lumang modelo ang kanilang ginagamit kapag nasa pampublikong lugar o nakasakay sa jeep o bus at kapag nasa pribadong lugar ay inilalabas na ang kanilang magagarang smartphone.
Nakakapanghinayang lang na, kadalasan, kapag nasisira ang mga lumang modelo ng mga cell phone, hindi na ito mabilhan ng piyesa o kaya mahirap nang hanapan ng tama at orihinal na baterya at recharger. Nangyayari ito sa kaso ng mga cell phone na hindi branded o hindi kilala ang brand. Natatapon na lang sila sa basurahan. Hindi nalalayo sa kaso ng mga lumang modelo ng mga desktop computer na hindi na makumpuni at nawawalan na ng silbi dahil hindi na maihanap ng kapalit ang nasisirang piyesa. Meron pa nga diyan na hindi na ma-reformat dahil hindi na available sa pamilihan ang operating system nito.
- Latest