SI Joao de Souza ay retiradong karpintero sa Rio De Janeiro at mayroon siyang isang kakaibang kaibigan. Simula kasi noong 2011 ay mayroong isang penguin na lagi siyang binibisita simula noong iniligtas niya ang buhay nito.
Nagsimula ang kakaibang pagkakaibigan ng dalawa limang taon na ang nakararaan nang matagpuan ni Joao ang penguin na naliligo sa langis sa beach na malapit sa kanyang tahanan. Iniuwi niya ang penguin sa bahay at pinaliguan ito. Pinakain niya rin ito ng sardinas at binigyan ng malilim na lugar kung saan makakapagpahinga ito.
Simula noon, naging parte na ng buhay ni Joao ang penguin kaya pinangalanan na niya itong ‘Jinjing.’
Nagtataka ang mga mangingisdang kapitbahay ni Joao sa pamamalagi ni Jinjing sa kanilang barrio dahil alam nilang naglalakbay papuntang timog ang mga penguin taun-taon. Minsan nang sinubukan ni Joao na ihatid ito sa dagat upang makasama na nito ang iba pang mga penguin na naglalakbay ngunit pagbalik niya ng bahay ay nandun na si Jinjing na naghihintay sa kanya.
Paminsan-minsan, umaalis din naman si Jinjing ngunit mga apat na buwan lang kung mawala ito at hindi pumapalya ang kanyang pag-uwi sa bahay ni Joao. Hindi ito nagsasawang kasama si Joao dahil minsan ay tumagal ng walong buwan ang pamamalagi nito sa piling ng mga tao. Bukod sa pag-uugaling ito ay marunong din magselos si Jinjing dahil ayaw nitong may ibang alagang hayop si Joao.
Sa ngayon, laging kasama ni Joao ang kanyang alagang penguin kapag siya ay nagsu-swimming sa dagat. Kasa-kasama niya rin ito sa pagtambay sa kanilang barrio, kung saan si Jinjing na ang kinikilalang mascot.