Kung may mayoma, dapat bang ipaopera agad?

ANG myoma (mayoma ang bigkas) ay isang klase ng bukol o tumor na lumalabas sa loob o labas mismo ng matris. Madalas ay grupo ito ng bukol. Nag-iiba-iba ang hugis at laki nito. May mayoma na sa sobrang laki ay parang palangganita na. Hindi cancerous ang mga bukol na ito. Ang salitang “tumor” ay tumutukoy lamang sa bukol (at hindi nangangahulugang cancerous ito agad). Fibroids ang isa pang tawag na ibinibigay sa mayoma.

Madalas ay hindi naman nagdudulot ng problema ang mga mayoma. Karaniwan ay hindi alam ng mga babae na may mayoma nga sila. Aksidente lang itong natutuklasan. Karamihan sa mga babaing may mayoma ay nakapagbubuntis pa rin ng walang problema (huwag lamang yung sobrang laki ng mayoma sapagkat mawawalan ng espasyo ang lumalaking sanggol sa loob ng matris).

Pero hindi lahat ng mayoma ay walang sintoma. Depende sa laki at kinalalagyang lugar ng mayoma sa loob ng matris, makararamdam ng ilang sintoma ang pasyente gaya ng: malakas na pagdurugo sa puwerta, pananakit ng tiyan o likod, problema sa pag-ihi, at minsa’y pagtitibi (constipation). Kung malaki na ang mayoma, nagmumukhang malaki ang tiyan ng babae. Yung klase ng myoma na ang paglaki ay papasok sa loob ng matris (uterine cavity), yun ang magdudulot ng mahirap na pagbubuntis sapagkat nababawasan ang espasyong nakalaan sana sa kalalagyan ng bata sa loob ng matris.

Lahat ba ng babae ay nagkaka-mayoma?

Tinatayang 30 porsyento lamang ng kababaihan ang nagkakaroon ng mayoma sa edad na 35 pero habang nagkakaedad patungo sa gulang na 50, tumataas ang posibilidad na mabuo ang mayoma. Nasa 80 porsyento ng babaing edad 50 ay may mayoma.

Hanggang ngayon, hindi tukoy kung ano ang sanhi ng mayoma. Sabi ng iba, baka raw sa iniinom na contraceptive pills. Pero wala namang pruweba rito. Hormonal, sabi ng iba, sapagkat napansing luma-       laki ang mayoma sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis ng babae kung saan maraming nagaganap na interplay of hormones sa katawan.

Gaya ng sabi ko, madalas ay natutuklasan lamang ang mayoma sa isang routine check up sa mga babae (pelvic exam). Nakakapa ito ng mga doktor kung medyo malaki na ito. At dahil nga malaki ang posibilidad nang paglaki ng mayoma, dapat ay matyagan ito. Monitoring, sabi nga. I-check kung magbabago ba ang sukat ng myoma sa pamamagitan ng ultrasound kung saan binabanggit sa report ang mismong sukat ng mayoma. Kung sa mga susunod na pagbisita ay napansing hindi naman nagbabago ang sukat ng mayoma, puwedeng kada taon na lamang ang pagpapasuri nito.

Paano ba ito gagamutin?

Sa maraming kaso ng mayoma, wala namang gamutan na ginagawa para rito. Inoobserbahan lamang. “Careful waiting” ang tawag dito. Kung nalalapit na ang menopause, ang sadyang pagbagsak ng hormonang estrogen ay nagdudulot ng pagliit ng mayoma.

Hindi laging pagpapatanggal ng matris ang solusyon. Hingin muna ang payo ng inyong doktor kung ano ang pinakamabuting gawin para sa mayoma sa inyong matris. Tandaan na depende sa sukat o laki ng matris, puwedeng magpayo ng operasyon ang doktor. Timbangin lagi ang mga options. Humingi ng second opinion, kung kinakailangan.

Show comments