NATAPOS na ang isyu sa “tanim” o “laglag-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pero ngayon ay iba naman – “laglag-kisame” naman. At matindi ito sapagkat muntik nang maging dahilan nang kamatayan ng isang dayuhan na nagbakasyon sa bansa. Nakakahiya kung mayroong nangyaring malubha o namatay ang dayuhan na nakilalang si Day Adam Warner, 30. Si Warner at kanyang pamilya ay paalis na ng bansa noong Huwebes makaraang mag-stay sa bansa.
Ayon sa report, kumakain sa Sweet Ideas restaurant na nasa Terminal 3 departure dakong alas-siyete ng umaga nang mangyari ang pagbagsak ng kisame. Bumagsak ang kisame, isang gypsum board (3x7 meters) sa mismong kinauupan ni Warner at tinamaan ang kanyang braso. Sa lakas ng pagbagsak, nasugatan ang braso ng turista. Mabuti na lamang at hindi tinamaan ang asawa at anak ni Warner. Ginamot ng doctor ang sugat ni Warner. Dakong 10:00 ng umaga, ay nakaalis na rin ang mag-anak patungong US.
Ang pangyayaring iyon ay nagdagdag na naman sa masamang imahe ng NAIA. Hindi pa napapawi o nabubura ang “tanim-bala” na nambibiktima sa mga paalis na turista at overseas Filipino workers (OFWs) para makahuthot ng pera, panibagong dungis na naman dahil sa bumagsak na kisame.
Taun-taon, nagsasagawa ng pagboto para sa mga pinaka-da best airport sa mundo ang isang travel website at maaaring kabilang na naman ang NAIA na maibotong pinaka-worst airport. Laging nirereklano ang NAIA dahil sa masamang serbisyo, walang tubig sa comfort rooms, marumi ang sahig, kulang ang mga signage, walang upuan, masyadong crowded, kulang ang signages, walang 24-hour food service, marumi ang mga sahig, comfort rooms, unfriendly ang mga airport staff, mababagsik ang immigration officers at ang mga pagnanakaw sa mga alahas, pabango, at relo sa bagahe ng pasahero. Nagkaroon na rin ng insidente ng pamamaril sa NAIA at may napatay.
Kailan magkakaroon ng pagbabago sa NAIA? Kailan masisiguro ang kaligtasan ng mga pasahero. Kakahiya kung lagi nang may nangyayaring kapalpakan sa NAIA. Hindi aakit ng turista ang bansa kung sa airport pa lang may masaklap nang mararanasan.