EDITORYAL - Pati LTO nakapasa sa anti-red tape test?
NAKAPAGTATAKA ang resulta ng anti-red tape test na isinagawa ng Civil Service Commission (CSC) para sa taon 2015. Lumabas na 99 percent ng mga tanggapan ng gobyerno ay nakapasa. Whew! Sa 1,114 na mga tanggapan isinailalim sa red tape test, 353 ang may excellent ratings samantalang 697 ang nakatanggap ng “good marks” at 15 lamang ang bagsak.
Kabilang sa mga nakapasa sa red tape test ay ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Government Service Insurance System (GSIS), Home Development Mutual Fund (HDMF), Land Registration Authority (LRA), Land Transportation Office (LTO), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) Professional Regulation Commission, Philippine Statistics Authority-National Statistics Office at Social Security System (SSS).
Nakagugulat ang resulta ng red tape test na 99 percent ang nakapasa. Sa mga nakaraan, ang mga nabanggit na tanggapan ay bagsak sa red tape test. Gaya nang ginawang red tape test noong 2014 kung saan 67 ahensiya ang bumagsak. Kabilang sa mga hindi nakapasa noon ay Land Registration Authority at Land Transportation Office, pero ngayon ay nakapasa sila. Noong 2013, hindi nakapasa ang Social Security System.
Kabilang sa mga tanong sa surbey ay: 1. Ino-observe ba ang anti-fixing campaign; 2) Naka-suot ba ng ID ang empleado ng gobyerno; 3) Mayroon bang patagong transaction costs; 4) Meron bang mga personnel na nangangasiwa o uma-assists sa mamamayang nakikipag-transact; 5) Mayroon bang complaint desks; 6) Ino-observe ba ang no noon break policy; 6) Sapat ba ang pasilidad; at 7) Maayos ba o may kalidad ang serbisyo.
Kaduda-duda ang lumabas na red tape test ngayon sapagkat pati ang LTO na halos bulok ang serbisyo ay mapasama sa mga nakapasa. Bakit nagkaganito? Hanggang ngayon, nirereklamo ang LTO sapagkat walang maideliber na lisensiya at mga plaka ng sasakyan. Singil sila nang singil para sa mga plaka pero wala silang maideliber. Paano nakapasa ang ahensiyang ito na umaalingasaw ang corruption?
Dapat rebyuhin ng CSC ang kanilang isinagawang surbey sapagkat kaduda-duda para sa LTO na maraming kapalpakan sa serbisyo.
- Latest