NANG maamoy ni Dennis Kucia ang usok mula sa nasusunog na building na tinitirahan niya sa Lake Geneva, Wisconsin, ang una niyang naisip ay ang mailigtas ang kanyang pamilya.
Sa kabutihang palad ay naitakbo niya ang lahat ng miyembro ng kanyang pamilya mula sa nasusunog na gusali.
Ngunit nang makalabas na siya ay narinig niya ang boses ng isa sa kanyang mga kapitbahay sa duplex na sumisigaw. Nakita niyang ang kapitbahay niyang pilay ang humihingi ng tulong.
Dali-daling bumalik si Dennis sa nasusunog na building at pinuntahan ang kanyang nakasaklay na kapitbahay. Hi-nawakan niya ito sa collar at hinila hanggang pareho silang nakatakas mula sa nag-aapoy na gusali.
Salamat kay Dennis ay walang namatay mula sa naging sunog dahil nakaligtas ang lahat ng nakatira sa natupok na duplex.
Nakakabilib ang ipinakitang kabayanihan ni Dennis ngunit mas nakamamangha ang kanyang kuwento dahil siya ay may stage IV bone cancer. Kahit siya mismo ay nagulat sa kanyang nagawa dahil lagi siyang nanghihina dahil sa sakit. Sa sobrang hina nga raw niya ay hindi kayang makapagbukas ng takip ng mga garapon.
Ang tanging paliwanag lang niya sa nangyari ay parang may kung anong sumanib sa kanya na nagbigay sa kanya ng lakas ng loob at pangangatawan para bumalik sa nasusunog na buil-ding at iligtas ang kanyang kapit- bahay.