SA darating na Oktubre 2016 pa idaraos ang Sangguniang Kabataan. At ito ang unang makakatikim ng pagbabawal sa political dynasties. Hindi na uubra ang tatakbong SK officials ay anak, apo o pinsan ng sinumang elected official sa probinsiya, siyudad, bayan at barangay. Mahigpit na itong ipagbabawal sa ilalim ng Republic Act No. 10742 na pinirmahan ni President Noynoy Aquino noong Martes. Ang principal author ng batas ay si Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao. Sa Senado, ang principal author naman ay si Sen. Paolo Benigno Aquino IV.
Salamat at nilagdaan ang batas na ito bago pa umalis sa puwesto si President Noynoy Aquino. Mapipigilan na ang mga dupang sa kapangyarihan. Kung hindi naipasa ang batas, mananatili ang angkan-angkan sa SK. Magpapatuloy ang masamang gawain na ang mga nakaupong SK officials ay kamag-anak ng mayor o vice mayor at maski barangay chairman. At dahil related sa mga opisyal ng siyudad, bayan at barangay ang SK officials, dito na magsisimula ang corruption. Malakas ang loob ng SK official sapagkat mayroon siyang kakamping mataas sa puwesto. Mayroong kamag-anak na kakalong sa kanya. Maaabsuwelto siya sa anumang kasalanang ginawa habang namumuno sa SK.
Ngayong naipasa na ang pagbabawal sa political dynasties sa SK, ang mas dapat magkaroon ng kaganapan ay ang pagpapasa naman ng pagbabawal sa political dynasties sa mga tatakbo sa mataas na posisyon --- presidente, vice president at senador. Kung maipagbabawal ang political dynasties sa mga pulitiko, asahan na magkakaroon ng pagbabago sa bansa. Wala na kasing magkakampi-kampi dahil magkakamag-anak ang nakapuwesto.