NAKALADKAD ang pangalan ng Pilipinas sa ginagawang terrorist attack at suicide bomber sa France at Jakarta, Indonesia dahil sa Pilipinas daw nanggaling ang mga armas.
Isang mabigat na paratang dahil ang ibig sabihin nito nakakapuslit mula sa ‘back door’ o sa Mindanao ang mga armas na ito at nagagamit na pampatay sa mga walang kalaban-labang mga mamamayan.
Nagkaroon ng barilan sa pagitan ng mga pulis at terorista. Apat ang namatay na sibilyan pero hindi nagpatalo ang mga pulis kaya’t napaslang din ang apat sa mga umatake.
Pinaniniwalaang ang mga may kagagawan nito ay ang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Maging ang ating bansa ay hindi isinasawalang bahala ang mga ikinikilos ng grupong ito at naghihigpit na din ang mga otoridad lalo pa’t nalalapit na ang eleksyon.
Isang ulat mula sa The Wall Street Journal ang nagsabing naniniwala ang Indonesian Police na ang mga baril na ginamit sa pamamaril ay nagmula sa Pilipinas.
Ayon sa Indonesian Police Spokesperson Anton Charliyan na ang labing dalawang taong naaresto sa raid ay naglarawang ang mga baril ay mahusay ang pagkakagawa mula sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Charliyan na may anim na baril pa ang nakuha sa raid sa Jakarta mula noong Huwebes mula sa katabi nitong bansa.
Kumakalat ang balita na pinondohan ng IS sa Syria ang pag-atakeng nangyari.
May ulat pang lumabas na ito ay pinondohan ng isang Indonesian na nakulong ng halos isang taon para sa kasong ‘Illegal Possession of weapons’ noong 2011.
Kinilala siya ng National Police Chief General ng Indonesia na si Badrodin Haita bilang si Bahrun Naim.
Nangako naman ang kapulisan ng Pilipinas na magsasagawa ng masusing imbestigasyon tungkol sa ulat na ito. Sa ngayon wala pang ulat na nagsasabing galing nga sa ating bansa ang mga baril.
Kung sakaling galing sa Pilipinas ang mga baril na ito maaari sana nating ipagmayabang na maganda ang pagkakayari nito.
Pero kung uungkatin mong mabuti bakit ang ating kapulisan at sundalo ay kinakalawang ang mga armas gayung sila itong lumalaban sa mga terorista ng bansa.
Ang tanong ko naman kung sa Pilipinas nga nanggaling ang mga ito bakit hindi man lang napansin ng mga otoridad ang pagbiyahe nito mula sa ating bansa papuntang Indonesia.
Palagay ko wala namang katotohanan ang mga ito dahil binabantayan nga natin ang kaayusan sa ating bansa at hindi natin gugustuhin na may makalaban tayong ibang bansa.
Nalalapit na ang eleksyon at samu’t-saring kaguluhan ang inaasahan nating kakaharapin ng ating mga kapulisan.
Sa magiging imbestigasyon naman nila sigurado akong malilinawan ang lahat at kung kanino nagmula ang ganung pahayag. Sila ba ay nanggaling dito sa Pilipinas? May lugar ba na pinaggagawaan ng mga armas sa ating lugar.
O baka naman ginagamit lamang ang pangalan ng ating bansa para sa ganyang uri ng pag-atake?
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.