SINIMULANG salakayin at hinalughog ang mga “kubol” sa New Bilibid Prison (NBP) noon pang Oktubre 2015. At mula noon nagkasunud-sunod pa ang pagsalakay na nagresulta sa pagkasamsam nang maraming kontrabando. Umabot na sa 12 pagsalakay ang nagawa. Ang huling pagsalakay sa mga kubol ay ginawa noong Miyerkules ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) at NBI. Nagulat ang raiders sa nakumpiskang hand-held VHF (very high frequency).
Sabi ni NBP Superintendent Richard Schwarzkopf, sa pamamagitan ng radio, namo-monitor sila ng inmate at naririnig ang anumang pinag-uusapan kabilang ang mga gagawing pagsalakay. At dahil naririnig ang mga gagawing pag-raid, agad na naitatago ang mga kontrabando.
Bukod sa radio, nakakumpiska rin ng isang caliber .45 pistol, 29 na patalim, isang laptop, dalawang internet modems, tatlong game consoles, tatlong voltage regulator, 21 DVD players at pitong color TV.
Tiyak na marami pang nakatagong kontrabando sa NBP at kaya hindi masamsam lahat ay dahil namo-monitor pala ang mga gagawing pagsalakay. Naitatagong bigla dahil naririnig ang pagsalakay.
Nakapagtataka naman ang pasya ng NBP officials kung ano ang gagawin sa mga nakumpiskang kontrabando. Ayon sa report, isasauli raw sa mga pamilya ng bilanggo ang mga nakumpiska. Nakatambak lang daw ang mga nakumpiska.
Bakit isasauli ang mga nakumpiska? Di ba mga katibayan ang mga ito? Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapasok ng mga kontrabando sa loob? Isang malaking kahangalan ang naisip ng NBP officials na pagsasauli sa mga kontrabando. Dapat magmuni-muni ang mga namumuno sa NBP.
Tiyak na marami pang baril ang makukumpiska sa NBP kahit araw-araw salakayin. Maaaring nakabaon sa suwelo ang mga baril. Ang nakapangangamba ay baka biglang magsagawa ng pagtakas ang mga bilanggo. Kaya nilang gawin iyon sapagkat mas matataas pa ang kalibre ng baril na nakukumpiska kaysa jail guards.
Lagi naming sinasabi at pinapayo na para matigil ang pagpapalusot ng mga kontrabando ay palitan lahat ang mga “buwayang guwardiya” at palitan ng mga matitino at dedikadong sundalo. Gawin ito para matigil na ang pagsalakay.