LALONG lumabo ang pag-asa na mapagtibay pa ng dalawang Kongreso ang kontrobersiyal na panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) na pundasyon ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ito ay sa kadahilanang nagpasya ang Senado na muling buksan ang imbestigasyon sa Mamasapano massacre na ikinamatay ng 44 na kagawad ng PNP-Special Action Force (SAF).
Dahil sa imbestigasyong ito ng Senado, muling mabubuhay ang damdamin ng publiko at asahan na muling lulutang ang galit ng taumbayan sa pangyayaring ito na nagsakripisyo ng 44 SAF troopers.
Talo rito ang gobyerno at ang MILF dahil sa persepsiyon na tila sadyang kinatay ang SAF 44 upang isalba ang peace talks.
Ang Mamasapano incident ang naging balakid upang hindi nakalusot sa Senado at House of Representatives ang panukalang BBL dahil nakuha ng SAF 44 ang simpatya ng publiko na sinakyan ng mga pulitiko kaya nadiskaril ang panukala.
Sa Kamara ay hirap ang mga ito na makalikom ng sapat na bilang ng mga kongresista na sumisipot sa sesyon bukod pa sa maraming tutol dito kaya hindi mapagtibay ang BBL.
Sa Senado nakabinbin pa ang BBL at lalong hindi na ito maaksiyunan dahil sa reopening ng imbestigasyon sa Mamasapano incident.
Sa muling imbestigasyon ay masentro sana ito sa mas dagliang hustisya para sa pagkamatay ng SAF 44 at mapanagot ang mga responsable rito.
Inaasahan din ng publiko na mapaparusahan din ang mga opisyal ng gobyerno na nagkulang lalo na sa hanay ng Armed Forces of the Philippines na nabigong agad na saklolohan ang SAF sa kanilang operasyon sa Mamasapano.
Hindi dapat masayang ang ibinuwis na buhay ng SAF 44 at sana ay huwag silang mapulitika at lumutang ang tunay na usapin upang magsilbing leksiyon na rin ito aa gobyerno at iba pang opisyal ng gobyerno.
Sa panig ng MILF, nabigo itong ipakita ang sensiridad sa peace talks dahil hindi nila agad isinuko at pinanagot ang kanilang tauhan na nasangkot sa Mamasapano massacre kaya naman naging unpopular ang panukalang BBL na pakikinabangan ng nasabing rebeldeng grupo sa Mindanao.